MULI tayong pumapasok sa pinaka-banal na linggo ng lahat ng mga Kristiyano, ang Semana Santa o Holy Week na sa karaniwang pahayag ay Mahal na Araw na nagsisimula ngayong Linggo ng palaspas. Sa mga Hudyo ang mga palaspas ay simbolo ng maligayang pagtanggap sa isang propeta na sumasampalataya sa Kanyang banal na aral. Ito’y pagdiriwang sa matagumpay na pagpasok ni Hesuskristo sa Jerusalem ang sentro ng buong Israel. Nagpuri at nagsaya ang lahat ng mga tagasunod ni Hesukristo at mananampalataya sa Kanyang banal na aral. Sa kabila ng kasayahan ay pinaghandaan naman ng mga kaaway kung paano Siya parurusahan.
Ang mga araw ng pagpapakasakit, pagsisisi at pagbabalikloob kay Hesukristo ay mayroong tinatawag na Triduum (tatlong araw ng banal na paghahanda para sa linggo ng muling pagkabuhay): Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
Sa pagpapakasakit ni Hesukristo ay katuparan ang sinabi ni propeta Isaias: “Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinansin, ang Panginoon ang tumutulong sa akin, handa akong magtiis”. Salmo: D’yos ko, D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan. Filipos: “Hindi Niya pinilit na manatiling kapantay ng Diyos, hinubad ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, namuhay ng isang alipin. Naging masunurin hanggang kamatayan, hanggang kamatayan sa Krus”.
Ngayong Mahal na Araw ay katumbas ng bakasyon sa mga opisina at mga gawaing pangkalakalan. Mag-uuwian na naman sa mga probinsiya at magpupuntahan sa mga bahay bakasyunan. Sana naman bilang mga Kristiyano ay samahan din natin ng mga pagbabalikloob sa Pa-nginoon. Pagnilayan natin na mismong si Hesukristo, anak ng Diyos ang nagpakasakit para sa atin hanggang sa kamatayan sa Krus. Matapos ang bakasyong ito ay mag-uwian tayo sa ating mga tahanan na puno ng kapayapaan.
Itong Mahal na Araw ay pinaghandaan natin simula pa noong nakaraan Miyerkules ng Abo, sinundan ng limang linggo ng paghahanda ng ating sarili para sa pagdiriwang ng pasko ng pagpapakasakit at pagkabuhay ng Panginoon. Ito ang kabuuan ng kuwaresma ang 40 araw bago ang Pasko ng Pagkabuhay.
Sa ating pagpapabasbas ng mga palaspas ay manalangin tayo: O Diyos na makapangyarihan at aming Ama sa langit, Iyo pong pagpalain at pabanalin ang mga palaspas na ito upang masaya naming ipagbunyi ang Iyong Anak na si Hesukristo, na Mesiyas at aming Hari ng sangkalupaan. Patawarin mo kami sa aming mga nagawang kasalanan, Amen.
Ngayon ay Alay Kapwa Sunday at World Youth Day
Is 50:4-7; Salmo 22; Fil2:6-11 at Lk 19:28-40