SA mga naging hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayon lamang may nagka-lakas ng loob na nagsabing dudurugin sa loob ng dalawang buwan ang mga teroristang Abu Sayyaf. Kauna-unahan si bagong AFP chief of staff Gen. Delfin Bangit na nagpahayag ng paglupig sa mga salot sa Basilan at Sulu. Marahil gustong ipakita ni Bangit sa ibang bumabatikos sa kanya na mayroon siyang bayag para tuparin ang nakaatang na tungkulin. Ibig niyang ipamalas sa taumbayan na hindi siya katulad ng iba pang namuno sa AFP na pawang umpisa lamang at umaatras na sa paglipas ng araw. Dahilan para lalong kumapal ang Sayyaf.
Ilang araw makaraang italaga sa puwesto, nagpakita na ng ngipin si Bangit para wasakin ang mga terorista. Desidido si Bangit sa kanyang balak at agad na ipinag-utos ang deployment ng mga sundalo sa Sulu kung saan ay namumugad ang Sayyaf. Sa direktiba ni Bangit, huwag nang tantanan ang Sayyaf at hulihin ang mga lider nito. Kinakailangan umano ay matapos sa loob ng dalawang buwan ang pakikipaggiyera sa Sayyaf. Ibubuhos umano ang lahat nang resources sa mga lugar na pinagkukutaan ng Sayyaf para masigurong mahuhuli na ang mga ito.
Napakaganda ng hakbang na ito ni Bangit at alam naming magtatagumpay ang military sa paglupig sa mga salot na Sayyaf. Noon pa dapat nagpursigi ang mga naging hepe ng AFP sa pagdurog sa mga bandido pero hindi nila nagawa. Ang naging resulta ay ang pagdami pa ng Sayyaf. Nagpatuloy sa pangingidnap at kumamal nang maraming pera. Ang Sayyaf ang responsible sa pagdukot sa mga turista sa Sipadan, Malaysia, pagdukot sa mag-asawang Burnham, pagpugot sa ulo ni Guillermo Sobero, pagdukot sa tatlong Red Cross workers at sa mga dayuhang pari.
Ang hakbang ni Bangit laban sa Sayyaf ang magiging daan para magkaroon na nang katahi-mikan sa Sulu at Basilan. Dadagsa ang mga turista roon at magbibigay ng ikabubuhay sa mamama-yan.
Huwag nang tantanan ang Sayyaf. Huwag nang hayaang makapag-recruit pa ang mga ito ng mi-yembro.