Villar takot kay Jamby at Gordon?

PARANG maamong tupang nagpakumbaba si Na­cionalista Party standard bearer Senator Manny Villar at hiningi ang patawad ni Pastor Apollo Quiboloy noong Huwebes ng gabi pagkatapos na hindi niya sinipot ang ‘Sukatan 2010’ presidential forum noong March 9 na sponsored ng butihing evangelist.

Sa madaling salita, pinatawad din ni Quiboloy si Villar habang pinagsaluhan nila ang hapunan sa Victoria’s Café sa loob ng The Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name compound.

Tinanggap naman ni Quiboloy ang explanation ng se­nador kung bakit hindi siya nakadalo sa presidential forum gaya ng mas naunang pagpatawad ng pastor kay Li­beral Party presidential bet Senator Benigno “Noynoy” Aquino III na hindi rin sumipot noong March 9.

Si Noynoy ay dahil raw sa kanyang ‘Barosinusitis’ na pinayuhan siya ng kanyang mga doctor na huwag sumakay ng eroplano kaya hindi siya nakarating ng Davao City sa araw na iyon.

Si Villar at si Noynoy ay kapwa hiningi ang intercession ni Mayor Rodrigo Duterte na best friend ni Quiboloy sa kanilang pag-apologize sa pastor.

Ngunit ayon sa aking mga sources, ang naging problema ni Villar ay ang presence sa nasabing forum ng kapwa niya mga senador at presidential candidates din na sina Jamby Madrigal at Richard ‘Dick’ Gordon, na naging ilan sa kanyang mga kritiko na rin.

Andun din sa nasabing forum si former defense secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro, Jr., si Nicanor Perlas at maging si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada na late nga ng ilang minutes dahil nasiraan yata yong private plane na hiniram niya.

Kahit paano dumating pa rin si Erap ngunit si Villar ay mas piniling iwasan ang presidential forum kahit na maaga siyang dumating ng Davao City, mga alas onse pa raw ng umaga lumapag ang eroplano niya sa Davao airport. At dakong ala una raw ng hapon ay nasa kalapit lang na Orange Grove Hotel na si Villar upang magpalit ng damit para sa forum.

Ngunit natapos na lang ang ‘Sukatan 2010’ walang Villar na sumipot kahit na andun na lahat ng mga reporters na dala ng kampo ng Nacionalista Party galing Manila to cover the event.

Napag-alaman ko na kaya nga raw hindi dumalo si Villar dahil nga raw kay Jamby at kay Gordon. Mas maigi raw sana kung nakadalo rin si Noynoy sa ‘Sukatan 2010’ para hindi lang si Villar ang mapagtuunan ng pansin ng dalawang senador.

Ayon sa aking source, ayaw daw ni Villar na mainsulto siya sa mga atake nina Jamby at Gordon kung sakaling dadalo siya sa forum ni Quiboloy. In short, takot si Villar na mabugbog ng mga maaanghang na salita ni Jamby at ni Gordon.

Akala ko ba si Villar ang laking Tondo. Eh, lumalabas na si Jamby at si Gordon pa ngayon ang mga siga na kinatatakutan ng taga-Tondo.

At mukhang hindi titigilan ni Jamby at ni Gordon si Villar kahit na pagkatapos ng May 10 polls. Tiyak na tatagal pa ang phobia ni Villar kay Jamby at kay Gordon.

Show comments