Marami ang duda sa poll automation
Na bagong sistema ng ating eleks’yon
Sinasabi nila baka raw maurong
Baka madeklara “failure of election”!
Ang poll automation kung noo’y nauso
Hindi magdududa ang maraming tao;
Kung may limang taong ito’y naensayo
Magiging maganda ang ating pagboto!
Ang mga makina’y binili nang mahal
Pero hindi tiyak kung ito’y mahusay;
Baka pag binilang ang boto ng bayan –
Mas maraming daya kaysa sa nag-manual!
Bakit ang partido’y pumasok sa bitag
Mga kandidato’y inihanay agad?
Inakala nilang sila ay mapalad
Sa isang halalang resulta’y baligtad?
Malaki ang perang dito ay inubos
Ng ating gobyerno na naghihikahos;
Pambili ng machines bakit nakalusot
Sa Congress at Senate na dapat nagtanod?
Lahat ng pakulo ng ating Comelec
Pati ang Palasyo ay naging kapanig;
Di nila naisip – maraming dishonest
May makina’t wala ang resulta’y panis!
At bakit nga hindi dito sa ‘ting bansa
Pulitiko’t hindi’y mga mandaraya;
Dahil sa naubos malaking halaga –
Babawiin nila’y higit sa nawala!
Naikamada na automated voting
Kaya bunga nito ay ating hintayin;
Kung ito’y maganda tangkilikin natin –
Kung ito ay palpak ay ating sumpain!
At kung tayo’y bigo sa naging resulta
Itong bansa nati’y wala ng pag-asa;
Mga pagbabagong hangad na makita
Baka mangyari lang kung tayo’y patay na!