SEY ng barbero kong si Mang Gustin, may mga kandidato’ng sumasakay sa linyang “maka-mahirap” pero hindi naman kapanipaniwala.
Ginawang halimbawa ni Gustin ang TV ads na doo’y ipinu-project ni Nacionalista presidential bet Manny Villar ang sarili na naranasang maghikahos: Natulog sa maliit na banko sa palengke, namatayan ng kapatid dahil walang perang pampagamot at naligo sa bundok ng basura. Pero ani Gustin, parang hirap siyang maaninag ang sinseridad ni Villar kahit posibleng totoo ang sinasabi.
Bumaling ang aming usapan kay Puwersa ng Masa presidentiable Joseph “Erap” Estrada. Si Erap ay hindi isinilang sa hirap. Pero bakit malakas ang charisma niya sa mga mararalita, tanong ni Gustin.
Sa pangangampanya niya sa Iloilo kamakailan, dagsa-dagsa ang mga mahihirap na dumalo at tahasang itinanong sa dating Pangulo kung ano ang maaasahan nila kung sakaling manalo siyang muli. Wika nga, ano’ng antas ng buhay ng masang Pilipino ang magaganap sa muli niyang pagbabalik kung sakali? Ang sagot niya’y - nang maluklok ang administrasyong Arroyo ay lalung nalubog sa kumunoy ng karalitaan ang maraming mamamayan. Pati mga Pinoy ay ikinalakal sa ibang bansa bilang mga OFWs kaya wala nang maipagmamalaki ang bansa. Kaya aniya, tatapusin niya ang hindi niya natapos noon. Bibigyang ginhawa ang mga mahihirap. Kaya nga ang battle-cry niya ay “Kung may Erap, may ginhawa.”
Nakapagtataka lang na ang taong inusig at ipinakulong ay taglay ang simpatiya ng tao. Siguro, dahil ito sa “underdog mentality” ng mga Pinoy. Pinapanigan ang taong naaapi. Marahil ay naalala nila kung paano gulpihin si Erap sa pelikula noon pero sa dakong huli’y siya pa rin ang bida. Parang FPJ! Pero ang 2010 polls ay hindi na pelikula kundi realidad. Isang realidad na sinasandalan ng kinabukasan ng bawat Pilipino. Hindi na tayo dapat magkamali sa pagpili ng leader dahil baka sa pusali na tayo damputin ‘pag nagkataon!
Ang kalalabasan ng eleksyon sa 2010 ay tadhana lang ang nakakaalam. Tayong taumbayan ang magdedesisyon kaya inuulit ko ang panawagang maging matalino sa pagpili ng leader. Dapat karapatdapat.