Mga pangakong napako

HIRAP daw sa pangangampanya si reelectionist Congressman Benny Abante sa ika-anim na distrito ng Maynila. Marami kasi siyang campaign promises noong 2007 na hindi natupad.

Sabi ng kanyang constituents, umasa sila sa pangako ng Kongresista na magpapatayo ng kauna-unahang public hospital sa 6th district ng Manila. Sa ngayon daw ay the same promise ang inuusal ni Abante. Aniya noong araw, hindi na magpapatayo ng bagong gusali dahil ire-renovate na lamang ang “Tahanan ng Masa” building na matatagpuan malapit lamang sa Malacanang. Katuwiran umano ni Abante, ang matitipid sa pagpapatayo ng bagong gusali ay idadagdag na lamang sa pondo para sa mga pasilidad na bibilhin para ilagay sa kanyang ipinangakong pagamutan.               

Maganda sana ang mithiin kung nagkatotoo. Pero nang manalo na noong 2007 elections ay tila nakalimot na raw si Abante.

Sabi ng iba, may nangyari naman sa “Tahanan ng Masa” kaso hindi nga lang naging pagamutan. Kung hindi eh ano?

Aba’y naging “orphanage” na lamang. Teka, ok naman ang orphanage hindi ba? Kaso hindi tao ang kinakalinga rito. Orphanage pala ng mga lumang kagamitan mula sa Malacañang! Sa ibang salita, junkshop na lamang.

Bakit daw sumira sa pangakong proyekto si Abante gayung regular ang pagtanggap niya ng pork barrel? At ang sigaw ng may dalawang libong ba­rangay tanod “Nasaan na ang iyong pangakong P300 na allowance bawa’t isang tanod bukod pa sa tig-sampung kilong bigas kada buwan? “ Himutok nila: “Saan na napunta ang pa­ngakong allowance?!”

Tanong nila: Ganyan ba dapat ang taglaying ka­rakter ng isang church leader? Si Rep. Abante po kasi ay isang ministro ng Baptist Church.

Show comments