NALAGASAN na naman ang Abu Sayyaf ng isang commander at dapat pang masundan para lubusan nang maubos ang grupong ito na matagal nang nagbibigay ng kahihiyan sa bansa. Nagbayad din si Al Bader Parad sa kanyang mga kasalanan at mas matutuwa ang taumbayan, partikular ang mga taga-Sulu kung mapapatay din ang iba pang matataas na pinuno ng Sayyaf. Dapat tugisin na ang mga nalalabi pang miyembro para matapos na ang problema sa kanila. Kapag napatay ang nalalabi pang Sayyaf, maaaring makabangon na ang Sulu at iba pang lugar sa Mindanao na pinipinsala ng mga hayok sa dugong grupo.
Nasorpresa ng Marines ang grupo ni Parad sa kabundukan ng Maimbung, Sulu noong Linggo. Natukoy ang pinagtataguan ng mga ito at hindi na nilubayan. Isang oras umanong nakipagbakbakan ang Marines. Bukod kay Parad, limang iba pang Sayyaf ang napatay. Tatlong Marines naman ang nasugatan. Habang nakikipagbakbakan ang Marines, nasa himpapawid naman ang Air Force plane at Navy ships at nakaalalay sakalit may magtangkang tumakas. Pero hindi na nagawang makatakas nina Parad sapagkat nakubkob na ng Marines.
Limang milyong dolyar ang inilaan ng US government sa ulo ni Parad samantalang P7-milyon naman ang sa Philippine government. Si Parad ay itinuturing na isa sa mga maimpluwensiyang lider ng Abu Sayyaf. Ang grupo ni Parad ang nasa likod ng pagdukot sa tatlong Red Cross volunteers noong nakaraang taon. Sila rin umano ang dumukot sa broadcaster na si Ces Drilon at sa isang negosyante.
Napatunayan ng military na kaya nilang lupigin ang Sayyaf at sana ay magkasunud-sunod pa ang kanilang opensiba laban sa mga ito. Ngayong nabawasan na ang pinuno ng Sayyaf, tiyak na hihina na ang mga ito. Magandang pagkakataon para lalong pag-ibayuhin ng military ang kanilang paglipol sa mga “salot” ng Sulu. Ang Sayyaf ay tinutulungan ng Al-Qaeda terrorist movement. Kaya rin umano patuloy na nakapag-ooperate ang Sayyaf ay dahil sinusuportahan ng ilang tao sa Sulu at iba pang lugar.
Pero ngayong unti-unti nang nalalagas ang gru-po, maaaring matakot na ang mga kumakalong sa kanila. Wala nang tatakbuhan ang mga “salot” at malapit nang maubos.