MARAMI ang nahihiwagaan sa katauhan ng mga nasa likod ng modus na Budol-Budol.
Ayon sa ilan, mayroon itong kapangyarihan ng hipnotismo dahil napapasunod nito ang taong bibiktimahin na ibigay ang pera’t alahas o mahahalagang bagay.
Subalit isa itong kalokohan dahil ang puntirya ng mga grupong nagsasagawa ng modus ng Budol-Budol, silawin at kasakiman ng kanilang biktima sa malaking pera.
Isang miyembro ng budol-budol ang lumapit sa BITAG upang ibulgar ang kanilang sistema ng panggagantso.
Isa-isa niyang binalatan at ipinakilala ang bawat miyembro at papel nito sa grupo tuwing sila’y may operasyon.
Maituturing na small time ang kanilang grupo ng budul-budol dahil ang kanilang area of operation, sa lansangan sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya tulad ng Bulacan, Pampanga, Batangas at Laguna.
Ang kanilang pangunahing target sa biktima ay ang cellphone, alahas at wallet nito. Magkakapatid at magpipinsan ang miyembro ng grupong ito ng Budol-Budol na nasundan ng BITAG.
Ang mga tauhan, nagsisimula sa nagngangalang Warren ang lider ng grupo. Si Warren din ang nagsisilbing spotter kung saan habang nasa sasakyan, siya ang pipili ng magiging biktima na naglalakad sa kalsadang kanilang popostehan.
Oras na may maispatan, baba na si Idang, main player ng grupo. Tinawag na main player si Idang dahil siya ang unang lalapit sa itinuro ni Warren.
Ang kaniyang entrada, magtatanong sa tao ng pinakamalapit na bangko. Dala-dala ni Idang ang isang bag na may lamang pera subalit budol lamang.
Ang ibig sabihin ng budol ay tunay na pera sa ibabaw subalit sa gitna at ilalim ay mga ginupit-gupit na papel o diyaryo. Sa unang pakita sa biktima habang nasa loob ng bag, aakalain mong bundle-bundle na pera nga ito.
Dito na papasok sa eksena si Dyna bilang back-up ni Idang. Kunwari’y hindi sila magkakilala ni Idang at sasali sa usapan ng suspek at bik tima.
Magpapanggap na doon lamang nakatira sa lugar na iyon at magtuturo pa ito ng bahay para paniwalain ang biktima. Ang papel ni Dyna, sulsulan ang biktima na samahan nila si Idang na maghanap ng bangko.
Ang ibang miyembro at estilo ng pambibiktima ng budol-budol gang… abangan sa susunod na labas ng kolum na ito.
May karugtong…