NOONG nakaraang taon, sunud-sunod ang nangyaring trahedya sa karagatan. Halos magkasunod na lumubog ang MV Catalyn at MV Baleno. Ang MV Catalyn ay lumubog sa Cavite at ang Baleno ay sa Batangas. Maraming pasahero ang namatay sa dalawang paglubog. Nagkaroon ng imbestigasyon ang Marina at Coastguard pero hanggang ngayon ay wala pang malinaw na resulta. Sumisigaw naman ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Kamakailan, isang eroplano ng Philippine Air Force ang bumagsak sa Gen. Santos City at namatay lahat ang pitong sakay nito kinabibilangan ng isang PAF general iba pang opisyal. May namatay ding sibilyan sapagkat ang erooplano ay sa isang subdibisyon bumagsak at tumama sa isang bahay. Nagkaroon din ng imbestigasyon sa pagbagsak. Hanggang ngayon ay malabo pa rin ang dahilan kung bakit bumagsak ang eroplano. Sa mga nakaraang taon ay sunud-sunod din ang pagbagsak ng eroplano at helicopters. At sa kabila ng mga insidente, hindi pa rin naman inihihinto ang pagpapalipad sa mga tinataguriang “kabaong sa himpapawid”.
Kung marami ang trahedya sa dagat at himpapawid na nangyayari sa bansa, mas marami ang trahedya sa kalsada at marami ang humihingi ng hustisya. Maraming “bumibiyaheng kabaong” at tila inu-til na ang Land Transportation Office at Land Transport Franchising and Regulatory Board sa paghihigpit sa mga may-ari ng sasakyan. Nakapagtataka kung bakit naibibiyahe pa ang mga sasakyan sa kabila na dispalinghado na ang mga ito. Karamihan sa dahilan ng aksidente ay ang pagkasira ng preno. Ibig sabihin, kahit na may deperensiya na ay ibinibiyahe pa.
Katulad ng nangyaring trahedya sa Piat, Cagayan kung saan ay 15 katao, pawang estudyante ang namatay makaraang banggain ng isang ten-wheeler truck na nawalan ng preno ang sinasakyan nilang jeepney. Sa lakas ng pagkabangga ay nahulog sa bangin ang jeepney at naipit ang mga pasahero. Patungo sa Tuguegarao ang jeepney at ang truck ay sa Piat. Iniimbestigahan na ang panibagong trahedyang ito.
Mapa-dagat, mapa-himpapawid at mapa-kalsada ay may nagaganap na trahedya. At para sa amin, ang kapabayaan at kawalan ng disiplina ang numero unong dahilan kaya nangyayari ang ganito. Dapat magkaroon ng paghihigpit ang LTO, MARINA at iba pang ahensiya na may sakop sa mga kasangkot na sasakyan. Kung walang paghihigpit, marami pang kawawang pasahero ang kakalawitin ni Kamatayan.