NARARAMDAMAN na ang hagupit ng El Niño. At unang tinatamaan nang matindi ay ang Isabela sa Cagayan Valley. Dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Magat dam, wala na masyadong natatanggap na irigasyon ang mga pananim sa lalawigan. Kaya ganun na lang ang hinagpis ng mga magsasaka, na wala na talagang mapagkuhanan ng tubig. Napakahirap labanan at asahan ang panahon, lalo na sa panahon ng tagtuyot! Ang Isabela ay pangatlo sa pinakamalaking lalawigan na taniman. Kaya kung mawawala ang ani nito, magkakaroon ng pagkukulang ang bansa sa pagkain, at tataas pa ang bentahan ng mga makakarating sa palengke! Di magtatagal, pati mga ibang lalawigan ay tatamaan na rin ng hagupit ng El Niño!
Ang lokal na gobyerno naman ng Isabela ay nanana- wagan sa lahat para tumulong, sa pamamagitan ng pagpapahiram o paggamit ng mga water pump, para mabombahan ng tubig ang mga taniman kung sakaling may maha-nap na tubig. Mas mahirap talaga ang tagtuyot. Mabuti pa kung bahagyang magbaha, napupunta sa magandang paraan ang tubig. Sa pagtuyot, lahat namamatay at nasasayang lang. Iyan ang mahirap sa mga bansang may dalawang klaseng kapanahunan lang. Kung hindi sobra ang init, sobra naman ang tubig. Di tulad ng ibang bansa, may apat na ka panahunan, kaya nakakahinga ang mga halaman at pananim.
Ang agrikultura ay mahalaga sa ating bansa. Mayaman tayo sa lupain para tamnan ng kakailanganin nating pag-kain para sa haba ng panahon. Huwag lang pasukan ng mga developer na gusto lang kumita. Marami rin tayong ilog na puwedeng pagkuhanan ng tubig (irigasyon) ang mga pananim. Kung paano madadala ang tubig sa mga tanim ang hindi pa masyadong maayos. Ito ang dapat pag-aralan. Napapaligiran tayo ng karagatan. Matagal nang iminumungkahi ang pagtanggal ng alat sa tubig-dagat para magamit sa maraming bagay. Ito ang dapat pag-aralan nang husto. Umaapaw ang bansa sa likas na kayamanan. Kailangan lang alamin kung paano maaani ito at magagamit sa mabuting paraan, kung saan ang mamamayan rin ang makikinabang, at hindi lang mga malalaking negosyo at negosyante. Pero katulad na lang ng lahat ukol sa Pilipinas, kailangan mawala muna ang kasuwapangan, katiwalian at korapsyon, bago may mangyaring mabuti. Iyan pa rin ang pinakamalaking hadlang sa kaunlaran at pagiging moderno ng bansa. Kaya nga kulelat na tayo sa Asya sa lahat ng bagay, maliban na lang sa korapsyon. Nakalulungkot, dahil malaki ang potensiyal para sa kaunlaran ng bansa.