EDITORYAL - May ginagawa bang plano laban sa El Niño?

NAGING mailap na ang ulan mula pa noong Dis­yem­bre at mapapansin na marami nang hala­man at mga damo sa paligid ang naninilaw dahil sa kakulangan ng tubig. Kapag naging mailap pa ang ulan ngayong Pebrero, baka tuluyan nang matuyo ang mga tanim at walang mapakinabangan. Sabi ng PAGASA, aabutin ng hanggang Hunyo ang tag-init dahil sa El Niño phenomenon. Mahaba ang tag-init ngayon na di-katulad noong nakaraang taon na Pebrero na ay meron pang namumuong sama ng panahon. Hunyo noong nakaraang taon ay naging panay na panay na ang pagdalaw ng bagyo.

Ang nararanasang El Niño ay grabe nang nara­ranasan sa hilagang bahagi ng bansa, particular sa Isabela kung saan ay marami nang tanim na mais ang namamatay. Ayon sa report, ang malaking tani­man ng mais sa Tumauini ay pawang natutuyo na at walang mapapakinabang. Bagamat nakatayo pa ang mga katawan ng mais, kapag tiningnan at binuksan ang puso ng mais ay walang laman. Mara­ming magsasaka ng mais ang labis nang nababa­hala sapagkat wala silang aanihin. Maaaring duma­nas sila nang matinding gutom dahil walang napa­kinabang sa kanilang tanim. Hindi lamang mais     ang natutuyo kundi pati na rin ang mga tanim na palay at gulay.

Umano’y nasa P1.4 bilyong halaga na ng tanim sa Isabela ang nasisira dahil sa pagkatuyo at gra­beng apektado ang mais. Ang Isabela na nasa Ca-ga­yan Valley ang pinakamalaking supplier ng mais sa bansa, pumapangalawa ang Western Visayas      at ikatlo ang Soccsksargen.

Pero sa kabila na bilyong pisong halaga na ng pananim ang nasisira dahil sa pagkatuyo, sabi ng Department of Agriculture, wala pa raw dapat ika­bahala. Hindi pa raw dapat maalarma. Ang pinsala raw ay nasa government projection pa.

Nagbibigay ng pangamba ang pahayag na ito ng DA. Baka sa sobrang kumpiyansa nila ay maraming pananim pa sa bansa ang mapinsala. Bakit hindi magsagawa ng cloud seeding sa lugar na apektado ng El Niño? Bakit hindi maglagay ng mga bomba ng patubig para mapaagusan ang mga pananim     na natutuyo? Alalayan ang mga magsasaka sa    mga gagawing hakbang laban sa El Niño.

Show comments