SABI ng Comelec, ‘yun daw lalabag sa maling pagkakabit ng posters, streamers, stickers at iba pang printed materials ay mapaparusahan ng anim na taong pagkabilanggo. Sabi pang mariin ng Comelec, walang sasantuhin at talagang ipatutupad ang nakasaad sa batas. Huhulihin ang mga magkakabit ng campaign materials sa mga hindi designated areas. Hindi uubra na basta na lamang magkabit, magsabit o magdikit ng campaign ma- terials.
Ayon sa Comelec resolution, ang campaign pamphlets, leaflets, cards, stickers at iba pang printed materials ay nararapat na 8 by 14 inches ang laki. Ang posters naman ay hindi dapat lalampas ng 2 by 3 feet.
Ang streamers ay nararapat na 3 by 8 feet ang laki at ilalagay lamang ito limang araw bago ang petsa ng public meeting o rally at nararapat na tanggalin 24 na oras makaraan ang event.
Hinihiling ng Comelec sa taumbayan na ireport ang mga taong makikitang lumalabag sa pagkakabit ng posters o streamers. Huwag daw basta na lamang tatanggalin ng taumbayan ang ikinabit sapagkat maaaring magkaroon ng tensiyon. Ipaubaya raw sa kanilang task force ang pagtatanggal sa mga campaign materials. Sila ang gagawa ng aksiyon sa mga paglabag. Padadalhan daw nila ng notice ang kandidato na tanggalin ang kanilang campaign posters at kapag hindi pa tinanggal sa kabila na may notice na, ang Comelec na ang aakto at pagbabayarin sa gastos ang kandidato o political parties.
Kahapon ay simula ng opisyal na kampanya at tila, may sumablay na agad sa pagkakabit ng posters. Marami nang malalaking streamers at posters ang nakasabit at nakakabit sa mga ipinagbabawal na lugar. At tila nang-iinis pa ang ilan sapagkat sa mismong may karatula pang “BAWAL ANG POSTERS DITO” ikinabit ang campaign materials. Wala nang iginagalang. Harap-harapan ang paglabag sa batas.
Kinakailangang dagdagan ng Comelec ang kanilang ngipin. Nararapat na gumala ang kanilang mga galamay para maaresto ang mga lumalabag. Dapat may masampolan.