SI Jason ay isang seaman. Natanggap siyang magtrabaho sa loob ng siyam na buwan sa isang shipping company sa pamamagitan ng ahente nitong PTC. Tatanggap siya ng suweldong $588 dolyares bukod pa sa overtime pay at iba pang benepisyo.
Matapos ang pagtatrabaho ng halos anim na buwan sa barko ng NB, ang M/S Nautilus, sinabi ng doktor ng kompanya na may sakit na “angina pectoris, arterial hypertension” si Jason. Nagrereklamo ang lalaki na sumasakit lagi ang kanyang dibdib dahil siguro sa pagtutulak ng mga drum na puno ng caustic soda. Matapos irekomenda ng doktor, agad na pinauwi sa Pilipinas si Jason noong Agosto 12, 2002 upang mas mapag-aralan ang kanyang sakit at upang ipaopera kung kailangan.
Naospital sa St. Luke’s Medical Center si Jason sa pangangalaga ni Dr. Al na doktor ng kompanya. Sumailalim siya sa coronary angiography at angioplasty na sinagot lahat ng kompanya. Binayaran din siya ng medical allowance sa loob ng 120 araw.
Matapos maopera, at suriin sa check-up, dineklara ni Dr. Al na maaari na si Jason na bumalik sa kanyang trabaho bilang seaman basta alaga siya sa gamot. Ngunit dahil patuloy pa rin ang pagsakit ng dibdib at pagkahilo ni Jason, humingi siya ng pangalawang opinyon mula sa ibang doctor, si Dr. Vic, isang independenteng cardiologist na nagsabing patuloy pa rin ang sakit na “hypertensive cardiovascular disease” ni Jason. Sabi pa ng doctor, 68.66 % porsyento lang daw ng kaliwang dibdib ni Jason ang gumagana. Hindi na raw maaaring bumalik pa sa pagiging seaman si Jason sa kahit anong kapasidad. Lulubha lang daw ang kanyang sakit kapag nagpumilit pa siyang magtrabaho. Ha bang buhay din ang gamutan sa kanya at dapat na bantayan ang kanyang blood pressure dahil maaaring maulit ang pamumuo ng dugo kung hindi agad maaagapan.
Bilang miyembro ng unyon ng mga seaman (AMOSUP) kung saan may kasunduan (CBA) ang NB at PTC, humingi si Jason ng kumpletong bayad para sa kanyang kapansanan (disability benefits). Ayaw magbayad ng NB at PTC kaya’t nagsampa ng reklamo sa NLRC si Jason para makahingi ng permanent total disability benefits, danyos at bayad sa abogado. Dahil sa magkaibang opinyon nina Dr. Al at Dr. Vic, napagkasunduan ng bawat panig na ilapit ang kaso sa isa pang doktor na susuri kay Jason, si Dr. Rey ng Philippine Heart Center.
Matapos suriin si Jason, naglabas ng sariling medical certificate si Dr. Rey. Ang re sulta ng pagsusuri niya kay Jason ay halos katulad ng opinyon ni Dr. Vic. Kaya noong Hunyo 25, 2005, naglabas ng desisyon ang Labor Arbiter pabor kay Jason. Pinababayaran siya ng $60,000 dolyares bayad sa kanyang kapansanan base sa umiiral na CBA at 10% bilang bayad sa abogado o halos $6,000 dolyares. Sinang-ayunan ng NLRC ang desisyon ng labor arbiter maliban at binawasan ang bayad sa abogado at ginawang $1,000 dolyares lamang.
Nang umapela sa Court of Appeals, dineklara nito na permanente man ang kapansanan ni Jason, hindi naman ito lubusang nakaapekto sa lalaki dahil ayon nga sa pagsusuri ni Dr. Rey, 68.66% porsyento lang ang apektado. Binawasan pang muli ang makukuhang benepisyo ni Jason at ginawang $34,330 dolyares lamang. Inalis din ang bayad sa abogado dahil wala naman daw basehan sa pagbabayad nito. Tama ba ang CA?
MALI. Ibig sabihin ng permanenteng kapansanan ay hindi na muling magagawa ng isang empleyado ang normal niyang trabaho sa loob ng higit pa sa 120 araw. Walang kinalaman dito kahit pa nagagamit niya o hindi ang alinmang parte ng kanyang katawan. Ang importante ay hindi na magagawang bumalik sa dating trabaho ng nasabing empleyado at hindi na siya kikita pa rito.
Sa Labor Code, ang konsepto ng permanent total disability ay dapat gamitin sa mga seaman. Alinsunod ito sa tungkulin ng ating Saligang Batas na pagbibigay ng sapat na proteksyon sa mga mangga gawa. Base ito sa karapatan ng manggagawa na mabayaran hindi dahil sa natamong sakit o pinsala kundi dahil sa naapektuhan na ang kakaya han niyang magtrabaho at kumita ng suweldo. Ang konsepto ng permanent disability ay dapat hindi ayon sa medesina kundi ang kawalan ng kakayahan na maghanapbuhay.
Sa kaso ni Jason, mula ng ibalik siya sa Pilipinas noong Agosto 16, 2002 hanggang sa magsampa siya ng rekla mo sa NLRC noong Hulyo 14, 2003 o matapos ang halos 11-bu wan ay hindi na siya nakakuha pa ng ibang trabaho. Sa ka bilang banda, pinatunayan ng pangatlong doktor na si Dr. Rey na talagang nanganganib ang buhay ni Jason, na may kinalaman sa trabaho niya ang kanyang sakit sa puso at hindi na siya puwedeng magtrabaho bilang seaman sa kahit anong kapasidad. Pareho ito sa resulta ng pagsusuri ni Dr. Vic. Nararapat lamang na bayaran si Jason ng $60,000 dolyares para sa permanenteng kapansanan na kanyang tinamo at $1,000 dolyares bilang bayad sa abogado alinsunod sa naging desisyon ng NLRC. (Iloreta vs. Philippine Transmarine Carrier Inc. et. al., G.R. 183908, December 4, 2009)