ANO ang iyong gagawin kapag ang iyong alagang aso ay nanlapa ng tao? Tutulungan mo ba ang biktima o ipagwawalang bahala mo lang ito dahil aksidente lamang?
Simpleng katanungan, subalit nangangailangan ng seryosong kasagutan. Dahil ang taong inirereklamo sa aming tanggapan, nag-asal aso hindi nag-asal tao.
Isang ginang ang lumapit sa BITAG, inirereklamo ang kanyang kapitbahay dahil pinagtulungan siyang lapain ng apat na asong alaga nito.
Alas-diyes ng gabi, papunta sa isang computer shop upang sunduin ang anak, ikinagulat umano ng ginang nang biglang umatake ang isang alagang aso ng kapitbahay.
Pagkagat sa ginang, nagawa pa nitong tumakbo ng kanilang bahay upang kumuha ng pambugaw o pamalo habang habul-habol siya ng nasabing aso.
Subalit nang makita ng kanyang kapitbahay na may hawak siyang pamalo, imbes na awatin ang aso, pinagbubugbog pa siya ng buong pamilya nito.
Sumama rin sa bugbugan ang tatlo pa nitong alagang aso. Kung tutuusin, maituturing na milagro pa na siya ay nabuhay.
Isang purok leader ang nagtangkang umawat sa kaguluhan upang tulungan ang ginang subalit pati siya nadamay sa kagat ng aso, nilapa siya ng isa sa mga ito.
Natigil lamang ang kagatan este kaguluhan nang buong barangay na ang umawat.
Ang siste, kinabukasan, ang kanyang mga aso ang pinabakunahan habang ang ginang pinabayaan nang nakaratay sa ospital at ni kusing hindi nagbigay pampagamot nito.
Masahol pa sa asong ulol ang ugali ng may-ari, imbes na asikasuhin ang biktima, inuna nitong alalahanin ang kanilang alagang nanlapa.
Dito, sa tulong ng ISUMBONG MO ng aking nakatatandang kapatid na si Mon Tulfo, tinuruan ng aral ang may-ari ng aso.
Noong una, isa lamang ang nakuhang aso ng City Veterenarian sa ilalim ng Quezon City Health Office at ng Barangay Balara, mistulang nangatog din ang mga tuhod ng mga ito sa kagat ng aso kaya’t hindi nila nakuha pa ang tatlo.
Subalit sa huli, kahit pumapalag, napilitang ang may-ari na mismo ang magdala ng lahat ng kanilang alaga sa barangay. Abangan ang buong pangyayari ngayong Sabado sa BITAG.
Magsilbing aral sana ito na maging responsable at makatao sa pag-aalaga ng aso nang hindi mag-asal hayop ang sinumang mag-aalaga nito.