DAPAT tuldukan ni President Arroyo ang mga alingasngas tungkol sa retirement ni AFP chief Gen. Victor Ibrado. Sa Marso 10 magreretiro si Ibrado at ngayon pa lang, abala na ang mga pulitiko at senior officers ng AFP sa pagpaalala ke GMA kung ano ang dapat gawin. Maraming pulitiko pati na ang Magdalo group ay isinusulong ang extension ni Ibrado, na miyembro ng PMA Class ’76. Subalit ang senior officers naman kabilang na ang mga classmate mismo ni Ibrado at mga miyembro ng PMA Class 77 at 78 ay nagngingitngit dahil maiiwanan na naman sila sa kangkungan. At habang hindi kumikilos si GMA, nag-iingay ang mga pulitiko, Magdalo at AFP senior officers at kung anu-anong opinyon na nila ang inihahayag.
Kung sabagay sa AFP pala ang lahat ng senior officers ay maaring maging hepe ng militar. At si GMA lang ang may karapatang mamili sa limang pangalan na isinumite ng Board of Generals sa Secretary of National Defense. Ang kailangan lang sa kandidato ay maabilidad, may kapabilidad at kuwalipikado. Kapag na-extend si Ibrado, nangangahulugan lang na wala nang ibang senior officers ng AFP na puwedeng maging hepe ng military. Kaya naman umugong ang pag-extend ke Ibrado dahil ayaw ng mga pulitiko at Magdalo na umupo si Army chief Lt. Gen. Delfin Bangit.
Si Bangit ay dating hepe ng Presidential Security Group at sa tingin ng mga kritiko, gagamitin ni GMA ang militar para isulong ang political ambition. Pero professionals ang militar at sa tingin ko alam nila ang tama at mali. Hindi sila papayag sa ganoong senaryo.
Si Bangit ay miyembro ng PMA Class 78 kung saan si GMA ay honorary member. Bakit takot ang mga kritiko ni GMA ke Bangit? Nais liwanagin ng senior officers sa AFP na kaya naluklok sa AFP si Ibrado ay dahil sa impluwensiya rin ni presidential candidate Gibo Teodoro, na dating DND secretary. Si Teodoro ay honorary member ng Class ’76. Kahit saan ka lumingon, me Class ’76 sa AFP.
Wala namang masama dyan dahil ginampanan din nila ang trabaho. Kung si Bangit man ang mapupusuan ni GMA, eh dapat ianunsiyo na niya ito sa ngayon para tumahimik na ang AFP. Kung hindi naman si Bangit ang palarin, ganun din dapat ang gawin niya para hindi na mag-away-away ang mga senior officers ng AFP. Kapag binigkas na ni GMA kung sino ang gusto niyang AFP chief, aba ang nasa ibaba naman ay susunod lang. Pero kapag mali ang iutos sa kanila, lalo na sa May elections, aba tiyak hindi tatalima ang militar dahil me puso’t isipan din sila.
Tuldukan mo na ang namumuong sigalot sa AFP natin, Madam president. Si Bangit na nga ba? Abangan!