HABANG papalapit ang eleksyon, lalong dumadami ang mga pangamba na baka hindi ito matuloy. Maraming dahilan ang hinaharap, pangunahin na rito ay ang pagkabigo ng mga makina sa automation, ang sistema na matagal nang hinahangad ng Comelec. Manu-mano pa rin kasi tayo sa mga lumipas na eleksyon, kaya ngayon ay minabuting gawin nang automated sa dahilan na mas mabilis, mas epektibo at mas hindi kayang dayain. Pero sa simula’t-sapul pa lang ng plano, marami na ang tumutol at marami na ang naging problema. Kaya maraming sektor, kasama na ang simbahan, ang nananawagan na huwag nang ituloy ang automation, o kaya’y maglagay ng back-up, kung sakaling pumalso ang sistema.
Maraming dahilan kung bakit nangangamba ang marami. Una, baka ang pandaraya ay nasa sistema na mismo na hindi mapapansin ng mga botante. May pipiliin na kandidato, pero iba ang bibilangin ng makina dahil may “utos” na sa sistema. Pangalawa, baka mag-brownout habang nagaganap ang eleksyon ay gawing walang-silbi ang mga makina na tumatakbo sa kuryente at baterya. Pangatlo, baka maraming hindi makaintindi kung paano bumoto sa bagong sistema, lalo na’t napakahaba na ng balota sa dami ng mga kakandidato!
Pati na kung sino ang magiging pansamantalang presidente kung magkaroon ng kabiguan ng eleksiyon. May isang kampo na nananawagan kay Senador Enrile na magbitiw bilang Senate president, para siguradong may pansamantalang presidente ang bansa kung sakaling mabigo nga ang eleksiyon. Ang termino ni Enrile ay matatapos sa Hunyo. Sa linya ng succession, ang presidente ng Senado ang pangatlo. Kung mabigo raw ang eleksiyon at wala ring presidente ng Senado, magulo raw. Binabalewala naman ni Enrile ang mga panawagan.
Makikita kung gaano kahalaga ang darating na eleksiyon. Maraming sabik at maraming makikilahok. Kaya siguro marami ang nangangamba na baka nga naman mabigo ang eleksiyon. Makikita na ayaw nang marami na masayang ang kanilang karapatang mamili ng bagong liderato sa gobyerno. Pagbabago ang hangarin matapos ang siyam na taon. Siyam na taong tila nasayang sa pagsuporta sa isang administrasyong puro anomalya, katiwalian, at pagnanais manatili sa kapangyarihan.