DALAWANG beses na raw palang nagtungo ang NBI sa bahay ni Marlene Aguilar sa Blue Ridge. Wala silang nakitang Jason Ivler doon. Pandalas ang tanggi ni Marlene na naroon ang anak. Pero sa ikatlong pagkakataon ay nagduda na ang NBI dahil naghihisterikal na si Marlene. Nagpilit ang mga taga-NBI na palabasin si Jason at nagkaroon na ng putukan. Dalawang NBI agents ang tinamaan. Tinamaan din si Jason at nailabas siya ng NBI sa bahay. Binitbit siya at naisakay sa van at dinala sa ospital. Si Marlene ay pinosasan at dinala sa NBI. Kinasuhan ng obstruction of justice pero nagpiyansa at nakalaya na. Nasa ospital pa si Jason at nagpapagaling.
Ngayon ay wala pa ring tigil sa pagrereklamo si Marlene sa sinapit ng anak. Para raw itong baboy sa ginawang paghuli ng NBI. Ipinamukha niya sa publiko na kinawawa ng mga taga-NBI ang kanyang anak. Para bagang lumalabas na wala itong kasalanan at hindi dapat arestuhin nang ganoon karahas.
Sa pananaw ko, ginagamit ni Marlene ang media. Nagpainterbyu pa siya sa TV. Tila ba gusto niyang ipakita na siya ay matalinong tao na marami nang nagawang mabubuting bagay para sa kanyang bayan. Gusto niyang ipabatid na mahal na mahal niya at anak ang Pilipinas. Sinabi niya nagsilbi si Jason sa US military at nadestino ito sa Iraq.
Dapat na niyang hintuan ang “palabas” at ipaubaya na lamang ang kaso sa korte. Ang korte lamang ang makapagpapasya kung totoo bang may nilabag sa batas ang anak na si Jason.