LUBHA nang masalimuot ang problema sa pagkagutom. Habang lumalago ang populasyon, lalung nahihirapan ang pamahalaan sa paghanap ng epektibong solusyon.
Sa harap ng mataas na presyo ng pagkain, maraming pamilyang Pilipino ang nasasadlak sa kahirapan at gutom. Para solusyunan ang problemang ito, itinatag noong 2007 ng Department of Agriculture ang mga Barangay Food Terminal (BFT) na ngayo’y kilala bilang Barangay Bagsakan Centers.
Ang mga Barangay Bagsakan Center ay nagsisilbing mga palengke o talipapa sa mga mahihirap na komunidad sa National Capital Region at mga lalawigang kasama sa priority areas ng Accelerated Hunger-Mitigation Program (AHMP). Sa mga Barangay Bagsakan, ang mga mamamayan ay makabibili ng murang pagkain tulad ng gulay, karne at isda at bigas.
Bukod sa mga murang bilihin, nakatitipid ang mga mamamayan sa pamasahe dahil ang lokasyon ng mga Barangay Bagsakan ay nasa sentro ng mga komunidad. Dahil sa mas mura ang halaga ng bilihin, naisasantabi ng mga pamilya ang konting halaga para sa ibang gastusin tulad ng pang-edukasyon at pang-kalusugan.
Sa kasalukuyan, may 350 Bagsakan Centers ang nakakalat sa buong bansa na nagseserbisyo sa humigit-kumulang 122,000 households. Ang programang Barangay Bagsakan ay kasama sa komprehensibong pagsolusyun sa gutom at kahirapan sa ilalim ng Acce-lerated Hunger-Mitigation Program (AHMP) na pinamumunuan ng National Nutrition Council (NNC). Ang AHMP ay isinusulong alinsunod sa direktiba ng Pangu-long Gloria Macapagal-Arroyo bilang pagpapatupad ng Millennium Development Goals ng pamahalaan.