Sa ngayon ang ating mapanghahawakan
para tumahimik itong ating bayan –
Ay ang nalalapit – pambansang halalan
at tayo’y pipili ng lider na tunay!
Mula sa Pangulo haggang sa konsehal –
Ihahalal nati’y taong mararangal;
Hindi mag-iimbot, mga walang sungay
malinis ang budhi at ang puso’y banal!
Pero sa ngayon ba’y may taong ganito
ang iniisip lang bansas’y umasenso?
Mayama’t mahirap hahanguin tayo
sa kinasadlakang hirap at siphayo?
Kabuhayan natin ay bagsak na bagsak
ang mapera lamang ang namamayagpag;
Tingnan mo ang ating mga nagsasalat –
tahanan ay giba sa kalye’y nagkalat!
Malalaking building nakikita natin –
para bang sagana tayo sa pagkain;
sa likod ng mga gusaling maningning
doo’y nakahanay tahanang madilim!
Hindi lang madilim kundi mabaho pa
pagka’t sa estero sila nakatira;
Ang sitwasyong ito kung magbago sana
magiging tahimik itong buong bansa!
Mga magnanakaw at mga salarin
maglalahong ganap sa paligid natin;
Magiging payapa ang ating damdamin
matutulog tayong masaya’t mahimbing!
Kung ang mga lider magiging matapat
sa mga kaaway makikipag-usap–
Militar at pulis hindi tinatawag
pagka’t sila mismo ay handang humarap!
Kaguluha’t gyera sa buong Mindanao
dapat payapain ng mabuting halal;
Sila’y magsasadya sa magulong lugar
at papayapain lahat ng alitan!