KARANIWAN nang tanawin sa mga mall at hotel ang mga bomb sniffing K9 security units na tambalan ng aso at kanilang handlers. Mahal din ang price tag nito subalit kung ito ang kailangan upang mapanatag ang loob ng mga parokyanong gumagastos, siempre bayad agad. Tayo namang inosenteng publiko ay unti unting nasasanay na makita at makatabi ang mga K9 dogs, kahit pa yung mga attack dogs tulad ng German Shepherd at Belgian Malinois. Hindi naman aarkila ang mga higanteng International Hotel Chain at mga Retail Chain Magnates ng mga pipitsuging ahensyang gagamit ng askal (asong kalye). At bakit naman tayo iiwas kung nandyan nga naman ang mga aso para sa ating kaligtasan.
Ito siguro ang inakala ni Jose Andres Diaz nang magpasyal silang magpamilya sa Maxim’s Hotel and Casino sa harap ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nung Linggo. Ano na nga ba ang kasabihan? Maraming namamatay sa maling akala. Parang ganito na rin ang nangyari sa pamilya ni Mr. Diaz nang biglang sinakmal ng K9 Belgian Malinois ang kanyang walang kalaban-laban na 8 year old na anak. Mabuti na lang talaga at nasagip ang pobreng bata sa mas masahol pang pinsala.
Bakit hindi naawat ng handler ang kanyang K9 partner? Sa imbestigasyon, nabuko na ito’y nakikipag-kuwentuhan sa kapwa sekyu nang maganap ang insidente. Pero kailangan pa bang mag-imbestiga kung bakit ang isang mabangis na aso ay nangagat? To ask the question is to answer it.
Ang insidenteng ito’y dapat magsilbing mitsa sa mas maingat na regulasyon ng K9 security units. Sa Maynila matagal nang may ordinansa na bawal maglabas ng asong hindi nakabusal. Sabihin mo nang “trained” ang aso mo eh bakit naman isasapalaran ang kaligtasan ng kapwa dahil lang kampante kang hindi mangangagat ang alaga mo? Natural sa aso, lalo na ang mga attack dog, na mangagat. Ang nang-yari sa baby ni Mr. Diaz ang pinakamalinaw na pruweba. Kung sisinghot lang sila ng bomba, bakit hindi na lang busalan para iwas disgrasya?
Walang kapatawaran ang MAXIM’S HOTEL sa tinamong trauma at pin- sala ng bata. Lahat ng may kinalaman sa paggamit ng K9 unit na yan ay dapat lang na managot sa batas.
MAXIM’s HOTEL GRADE: 1 MILLION (in damages)