NAGSISIMULA na ang pagbawi sa mga tumetestigo laban sa mga Ampatuan. Ilang tahanan sa loob ng isang hacienda na pag-aari ng bagong testigo laban kay Andal Ampatuan Jr. na si Vice Mayor Rasul Sangki ang nilusob at sinunog ng ilang armadong tao. Mga hinihinalang tao ng mga Ampatuan ang mga salarin. Nakakatanggap na ng mga banta ang pamilya ni Sangki magmula nang humarap siya para tumestigo laban kay Andal Ampatuan Jr. hinggil sa Maguindanao massacre. Nasaksihan niya umano ang pagbaril ni Andal Ampatuan Jr. sa mga biktima, at nagsisisigaw pa na parang si Rambo! Kinonsensiya nang husto kaya tumestigo na.
Ayon sa PNP, marami pa ring civilian volunteer organization ang hindi pa isinusuko ang kanilang mga armas. At karamihan ng mga ito ay tapat sa pamilya Ampatuan. Kaya hindi pa rin mapalagay ang PNP at AFP ukol sa katahimikan at kaligtasan ng lalawigan ng Maguindanao dahil sa mga grupong ito. Hangga’t armado pa rin sila, kailangan silang ituring na hadlang sa katahimikan ng lugar. Kaya ganito na nga ang nangyayari sa Maguindanao. Malakas pa rin ang impluwensiya ng pamilyang Ampatuan sa nasabing probinsiya. Kung ano ang iutos sa kanilang mga galamay, susunod ang mga ito nang walang tanung-tanong.
Kaya dapat maibalik ng PNP at AFP ang katahimikan at kapayapaan sa Maguindanao. Kung kailangang habulin itong mga grupong tapat pa rin sa mga Ampatuan, gawin na. Dineklara ang martial law sa Maguindanao kailan lang, pero mukhang hindi sapat para buwagin ang mga pribadong army at armadong grupo. Magiging mga rebelde at kriminal lang ang mga ito pagdating ng panahon. Sa nasabing farm, nagnakaw din ng mga pagkain ang mga nagsunog ng mga bahay. Baka ganun na lang ang gawing pamamaraan para makakuha ng pagkain, hindi lang sa farm ng mga Sangki kundi sa lahat ng lugar! Kailangan maibalik sa ilalim ng batas muli ang buong Maguindanao. Parang walang gun ban nga sa Maguindanao, at lahat na yata ng baril ng bansa ay nasa probinsiyang iyan! Tila wala nang paghahari ang gobyerno sa lugar, kaya anarkiya na lang ang susunod! Kapag nangyari ito, tuluyan nang babagsak, baka mas matindi pa sa kahirapan na dinadanas ng Haiti ngayon!