HABANG dumadaan ang mga araw, mas nakikita ng mundo ang malaking pinsala na dinulot ng lindol sa Haiti noong Martes. Umano’y baka umabot sa kalahating milyon ang patay, bagama’t hindi pa matitiyak sa ngayon ang tunay na bilang. Wala pang maitayong komunikasyon kaya pira-piraso rin ang natatanggap na balita, lalo na sa mga may kamag-anak pang hindi pa kumpirmadong mahanap. Ang Haiti ay isa sa pinaka mahirap na bansa sa mundo. Maraming bansa ang nagpadala ng mga sundalo at manggagawa para tumulong sa pagbubuo muli ng Haiti, matapos ang gulo noong 2004. Hindi ko rin talaga maintindihan kung bakit sa mga ganitong bansa pa nangyayari ang mga masasamang kalamidad at trahedya. Parang sobra naman para sa kanila ang mabigyan pa ng ganyang tadhana!
Dalawang Pilipino ang nailigtas sa bumagsak na gusali. Hindi pa matiyak ang sinapit ng dalawa at hinahanap pa. May mga boses at ingay na naririnig mula sa gumuhong gusali. Rumesponde na rin ang maraming bansa sa pagpapadala ng pera at kagamitan para tumulong sa paghanap sa mga maaaring nadaganan.
Sa sitwasyong ito, nalalagay sa lugar na tayo’y napakahina kapag kalikasan na ang nananalasa. Na kahit anong tindi ng teknolohiya ukol sa lindol, wala lahat iyan kapag malakas na ang pagyanig ng lupa. Kahit mga mayayamang bansa ay hirap din kapag matinding lindol ang tumama. Kaya paano pa kaya ang paghihirap at hinagpis sa isang bansa katulad ng Haiti? Mabuti naman at ligtas ang lahat ng sundalo at pulis na pinadala ng Pilipinas sa Haiti para tumulong sa kapayapaan at katahimikan ng bansa, bilang pagpapatupad sa kasunduan sa UN. Noong 2004 kasi naging magulo ang gobyerno ng Haiti na nagpasiklab ng maliit na rebolusyon. Pulitika na naman ang dahilan.
Ang nakakainis lang, malaking trahedya na nga ang naganap sa Haiti, malawakang nakawan din ang nagaganap. Dito ko masasabi na mas masahol pa ang tao kaysa hayop, dahil ang mga hayop hindi nagnanakawan kapag may kalamidad, kundi nagtitipon-tipon para mapalaganap muli ang kanilang bilang para may laban sa kalikasan. Kaya siguro paminsan-minsan, sadyang nilalagay tayo ng kalikasan sa tamang lugar! Nais ko lang ay ligtas ang lahat ng Pilipino roon. Malaking trabaho na naman ang hinaharap ng bansang ito, na halos hindi na makabangon mula sa gulo. Pero kailangan ding itanong, kaninong kasalanan din iyon?