NANINIWALA kami na maraming nagawa si Sec. Esperanza Cabral sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaya siya ang napisil na gawing Department of Health secretary. Kung wala siyang maganda at makabuluhang nagawa sa DSWD, hindi siya pagtitiwalaang ilipat sa isang mas mataas na tanggapan. Nakita ang kanyang husay at naniniwala uli kami na kaya talagang pamunuan ni Cabral ang DOH na dating pinamunuan ni Sec. Francisco Duque. Si Duque ay nilipat sa Civil Service Commission.
Malaking responsibilidad ang nakaatang kay Cabral sa pag-upo sa DOH. Maraming problema ang nakaamba pero dahil nahubog na siya sa DSWD, magagampanan niya nang maayos ang lahat. Sana marinig ni Cabral ang mga hinaing lalo ng mahihirap na mamamayan na nangangailangan ng tulong medical.
Marinig sana niya ang hinaing ng mga mamamayan na pinagpapasa-pasahan ng mga ospital kahit na nasa emergency na ang kalagayan. Makastigo sana niya ang mga ospital na tumatanggi sa mga pasyente na walang maipandeposit.
Kagaya na lamang nang nangyari sa buntis na si Marilyn Sumbi na pinagpasa-pasahan ng siyam na ospital noong nakaraang Disyembre 2009 ilang araw bago magpasko. Muntik nang malagay sa panganib ang buhay ni Marilyn dahil sa ginawa ng siyam na ospital sa kanya. Imbestigahan ang siyam na ospital at bigyan ng karampatang parusa. Naniniwala kami na hindi dadaan lamang sa kanang taynga ni Cabral ang kaso ng siyam na ospital at lalabas sa kaliwa.
Hilingin din naman ni Cabral sa pamahalaan na lakihan ang pondo ng DOH para makagawa siya ng mga programa na ang makikinabang ay ang mga mahihirap na pasyente. Kung malaki ang pondo ng DOH malaki rin ang posibilidad na ang mga pampublikong ospital ay makapagserbisyo nang mahusay sa mga pasyente. Pondo ang kailangan para magkaroon ng mga modernong ospital, magagaling na doctor at nurses at iba pang health personnel. Lakihan ang suweldo para hindi na umalis ang mga Pinoy doctor at nurses. Sa ibang bansa, ang mga publikong ospital ang tinatangkilik sapagkat kumpleto sa pasilidad at ligtas ang mga pasyente.
Hamon namin kay Cabral na gawin ang mga ito gaya ng ginawa niya sa DSWD.