TALAGA yatang wala na sa wisyo si Chairman Joey “Itoy” Ejercito ng Barangay 190, Zone 17, District II, Manila. Gawa-gawa lamang daw ng mga kalaban niya sa pulitika ang pagkalkal ko sa nakaw na motorsiklo na pinagagamit niya upang pampatrulya at pang-escort sa libing. Nakausap ko sa telepono ang kanyang masugid na kaibigang si Insp. Brendo Macapaz (dating supervisor ng Hermosa PCP) kuno.
Ayon kay Macapaz, galit umano sina Bobot Pimentel at Alex Rodriguez kay Ejercito kaya ang mga ito ang nagsiwalat sa akin. Nagtataka ako kay Ejercito, ang paksang binanatan sa aking kolum ay tungkol sa pagkakumpiska ng motorsiklo sa kanyang barangay at hindi ang pagkalkal sa kanyang walang kuwentang political career. Hoy Ejercito, ito’y tugon lamang sa reklamo ng isang nagngangalang Darwin Anonuevo sa Manila Police District Anti-Carnapping Unit.
Paano kaya naluklok sa pagka-barangay chairman si Ejercito sa kabila ng kulang niyang kaalaman sa batas? Kayong mga taga-Obrero ang humusga mga suki! Ejercito, kung hindi mo pinakialaman ang hindi naman sa inyo, disin sana hindi ko nakalkal ang baho mo. Ang pinagtataka ko naman, kung bakit naman sa tagal na sa serbisyo ni Macapaz ,eh pulpol pa rin siya sa kaalaman para naging legal ang kanyang hakbang. Dahil ayon mismo kay Macapaz, ibinalik niya ang motorsiklo sa mga kamay nina Ejercito at Kagawad Tawing Dizon matapos na maraming lumutang na nagmamay-ari nito. Susmaryusep! NCRPO chief Roberto Rosales, sa tingin mo ba tama ang aksyon ni Macapaz na basta na lamang ibigay sa mga kamay ng mga ganid ang pag-aari ng iba? Hindi nila isinaalang-alang ang batas, at bakit kaya hindi kinasuhan ang mga nahuling babae na may dala ng motorsiklong noong madaling araw ng Mayo 12, 2009?
Pakitawag mo nga si Macapaz sa iyong tanggapan at arukin kung ano talaga ang kanyang motibo at resposibilidad bilang opisyal ng PNP. Dahil kung patuloy si Macapaz sa kanyang mentalidad eh, makasisira ito sa image ng PNP.
Para lubos n’yong maunawaan mga suki, noong Mayo 12, 2009 hinuli ng mga tanod na kinabibilangan ni Kagawad Tawing Dizon (ang kilabot na pistolero ng Bgy 190) sa isang barangay check point umano ang isang nagngangalang Ailene Dee at dalawang angkas nitong kapwa babae na walang helmet, riding-in-tandem at walang lisensya. Agad na dinala sa Hemosa PCP ang mga kababaehan matapos na hindi magkaayusan. Lumutang umano si Anonuevo kina Macapaz subalit walang dalang papeles ng motorsiklo dahil hindi niya nababayaran ang hulog sa financing. At nang hindi niya nakuha ang motor, nakiusap na lamang si Anonuevo na iwan ang motor sa PCP Hermosa at nagbilin kay Macapaz na huwag na lamang ipagamit sa iba habang inaayos niya sa Motor Trade Financing. Lumalabas na may usapang naganap sa pagitan ni Macapaz at ni Anonuevo. At dala marahil sa umiiwas si Macapaz sa abala sa pag-custody ng motorsiklo, ibinalik niya ito sa barangay na ang dapat ay sa MPD-AnCar o kaya’y sa kanyang hepe na si Supt. Remegio Sedanto ng Abad Santos Police Station. Napag-interesan ng mga ganid na sina Ejercito at Tawing Dizon ang motorsiklo at nagpasiklab sa kanilang barangay.
Ganito na ba ang kalakaran ngayon na ang barangay at pulisya magkasangga sa krimen?