GUSTONG higitan ng bagong MMDA chairman Oscar Inocentes ang nagawa ni dating MMDA at ngayo’y kandidatong bise presidente Bayani Fernando. Plano ni Inocentes na magpagawa ng mga urinal para sa mga kababaihan sa EDSA at iba pang pangunahing kalsada. At hindi na rosas (pink) ang kulay ng mga ihian ng babae kundi berde. Kinulayan agad ng pulitika ang plano sapagkat ang berde raw ay kulay ni administration presidential candidate Gilberto Teodoro. Magkaganoon pa man, maganda ang plano ng bagong MMDA chairman at sana siguruhing ligtas ang mga ihian ng babae. Dapat bantayan para hindi mapahamak ang mga babae.
Bukod dito nararapat din namang mapanatili ang kalinisan ng mga urinal para hindi maging katulad ng mga urinal ng kalalakihan na umaapaw at ngayon ay mapanghi. Sinimulan ni BF ang mga pink urinal para sa mga kalalakihan subalit tila nakakalimutang linisin. Maganda ang layunin ni BF sa mga ihiang pink sapagkat hindi na nakikitang kung saan-saan na lang umiihi ang mga lalaki, ang problema nga lang, umaalingasaw ang mga ito. May mga “ihian” sa EDSA at Commonwealth na umaapaw na at mapanghe. Kaya sa halip na mapakinabangan ng mga lalaki ang ihian ay nakatiwangwang lang. Tila hindi naiplano ni BF na kailangan ay mayrong maglilinis ng mga “ihian”. Tila ba ang naging panguna- hing prayoridad ni BF ay basta may maihian ang mga lalaki at hindi naman napag-isipan na maaari itong umalingasaw kapag hindi nalinis.
Hindi ba’t may mga truck naman ang MMDA na nagdidilig ng halaman? Bakit hindi gamitin ang mga truck na ito para bombahin ang mga “ihian” at nang mawala ang alingasaw? Hindi naman gagastos ang MMDA nang malaki para bombahin ng tubig ang mga mapapanghing “ihian”.
Mahusay din ang pumalit kay BF sa MMDA at ma rami na ring naiisip para sa kabutihan ng mga taga-Metro Manila. Ngayon nga ay urinal sa mga babae ang balak gawin. Okey ang planong ito, pero gaya rin naman ng suhestiyon ni BF dapat gawing standard ang mga urinal. Yung urinal na ligtas at hindi mabobosohan ang mga babae habang gumagamit.
At dapat din namang may magmi-maintain o mangangalaga sa mga urinal para mapanatili ang kalinisan. Sayang ang mga ito kapag hindi napangalagaan. Bubuhusan na rin lang ng pondo ay paghusayan na.