NANG tanggihan ni Judge Luisito Cortez ang paghawak sa Maguindanao Massacre case, hindi lamang ang sarili niyang reputasyon ang napahamak. Higit dito ay ang kasiraang tinamo ng tiwala at kumpiyansa ng taong bayan sa ating Hudikatura.
Hindi inatrasan ni Judge Cortez ang nauna nang na-assign sa kanyang Bersamin Murder Case. Warlord din ng Abra ang doo’y nasasakdal. Kaya hindi naman tama na pagdudahan ang kanyang pagkalalaki. Mukha namang haharapin niya ang anumang hatol na ibababa ng Mataas na Hukuman sa kanyang pagtanggi (hindi kasama sa grounds for disqualification ng Code of Judicial Conduct ang “pag-aalala sa kaligta-san ng pamilya”).
Subalit parusahan man siya ay hindi pa rin madaling mabawi ang naiwang lamat sa kredibilidad ng Hudikatura. Mahalagang mapaniwala ang bawat mamamayan na ang kanyang mga karapatan ay pangangatawanan ng Pamahalaan laban sa kahit sino. Na ang Hudikatura’y maasahang iuna ang batas bago ang lahat. Kung ang ating mga hukom ay tatalikod sa kanilang sinumpaang katungkulan dahil mga hindi awtorisadong katwiran, anong senyales ang pinapadala nito sa taong bayan? Simpleng simple: Na ang pamahalaan ay kayang daanin sa sindakan. Taob ang anumang ekspektasyon na lahat ay pantay pantay ang pagkakataon sa ilalim ng batas.
Haligi at pundasyon ng isang progresibong lipunan ang good governance. At malaking bahagi nito ang isang gobyernong sumusunod sa patakaran at hindi nagpapadala o nagpapabulyaw sa interes ng kung sino lang ang malakas. Gaya ng nakatitik sa oath of office ng mga hukom: “Ilalapat ko ang katarungan nang walang pagkiling sa sino mang tao at ipatatamasa ang pantay na karapatan sa mahirap at mayaman.”
Sa ganitong liwa-nag dapat tingnan ang pagpasiya ni Judge Jocelyn Solis –Reyes na tanggapin ang Maguindanao Massacre assignment. Siempre kahanga-hanga ang kanyang tapang. Ginagawa lang daw niya ang trabaho niya. Pero buong lipunan ay nagpasalamat na sinalo niya si Judge Cortez. Hindi lamang ang sarili niyang reputasyon ang bumango. Higit dito’y naibalik ni Judge Solis-Reyes ang tiwala at kumpiyansa ng taong bayan na ang Hudikatura’y maaasahang gagampanan ang mahalaga nitong pananagutan “nang walang anumang pasubali o hangaring umiwas.”
Judge Luisito Cortez Tinimbang: Kulang
Judge Jocelyn Solis-Reyes Grade: Future Chief Justice