Scholarship di lamang para sa matatalino

EDUKASYON ang susi ng pambansang kaunlaran. Ito ang lagi nating nababasa o naririnig. Bukambibig din ito ng mga kandidato lalo na sa panahong halos lahat sila’y sumasakay sa isyu ng edukasyon. Marami rin silang batikos at suhestyon sa usaping ito. Kesyo itaas ang sweldo ng mga guro, magtayo ng maraming eskwelahan, at silid-aralan, itaas ang kalidad ng pagtuturo at bigyan ng scholarship ang mga matatalinong mag-aaral. Tama sila pero tila may kulang.

Oo nga’t may scholarship program para sa matatalino at mahirap na estudyante. Ngunit papaano naman kung ordinaryo lang at hindi masyadong matalino? Problema ito lalu na sa mga malalayo at dahop na probinsya. May panukala si Edu Manzano, vice-presidential bet ng   Lakas-KAMPI-CMD Aniya, kung binibigyan ng ayuda ang mga mahihirap pero matalinong kabataan, mas lalung dapat tulungan yaong mga average na kabataan na hindi makapag-aral dahil sa kakapusang pinansyal. Ayon kay Edu, ang tulong pinansyal na ito ay maaaring isakatu­paran sa pamamagitan ng subsidy o allowance sa mga mahihirap na kahit hindi sila super-bright. Aba kung ma­gagawa ito ng gobyerno, malaking tulong ito para ma-abot ng mga kabataan ang kanilang pangarap. Alam nating lahat na ang pag-unlad ng kabuhayan ng bansa ay naka­salalay nang malaki sa talino ng mga mama­mayan. Kaya nga knowledge is power.

Maaaring maliit lamang ang gastos ng pamilyang nakatira sa probinsya dahil mayroon silang pagkukunan ng pagkain, katulad ng pangingisda o pagtatanim   ng gulay sa kanilang baku­ran. Subalit alam natin na napakarami pa rin ang tala­gang hikahos kayat kada­lasan, ang mga anak nilang estudyante ang nagiging biktima ng kani­lang kahi­rapan.

Sinabi ni Edu na sa kan­yang paglilibot sa mara­ming lugar sa Pilipinas, na­laman niyang marami pa rin ang mga estudyante sa pro­binsiya na hindi kayang mag­bayad kahit ng P14 na pa­masahe sa traysikel araw-araw, gayong ang halagang ito ay may diskwento na para sa mga estudyante.

Bunsod ng kahirapan nilang ito sa buhay, napipi­litang huminto sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Nakalulungkot ang kondis­yong ito. Ani Edu, nakakala­mang ang kabataang may angking talino. Ngunit pa­ano naman ang mga ordi­nar­yong estudyante na mula sa mahihirap na pamilya?

Hu­wag sana silang ka­limutan.

Show comments