OFW na ipinagtanggol sa kaso sa Kuwait

KAMI ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay na­tutuwa sa paglaya ng isang OFW na nakulong kamaka-ilan sa Kuwait dahil sa maling bintang.

Itago natin siya sa pangalang Dr. Rea, isang dentista na inaresto at ikinulong sa naturang bansa noong Agosto 19, 2009 dahil sa bintang na ang ginawa niya raw pag­bunot sa ngipin ng isang kapwa Pilipino roon ay nagresulta sa pagkamatay nito.

Ang mga Pilipino dental professional at iba pang    Pinoy sa Kuwait na naniniwalang mali ang bintang kay Dr. Rea ay nagtulong-tulong upang makakuha ng abo­gado na magtatanggol sa kanya.

Mabuti naman at isang mabait at mahusay na human rights lawyer sa katauhan ni Sheikha Fawsia Al Sabah ang nagbigay ng serbisyo kay Dr. Rea, laluna’t ang natu­rang abogado ay nakakilala at naging kaibigan namin ni Jinggoy at ni Presidente Erap noong bumisita kami sa Independence Day celebration ng Pilipino community      sa Kuwait noong Hunyo 2009.

Makalipas ang apat na buwan at apat na hearing ng kaso, noong Disyembre 22 ay ibinasura ng korte ang kaso matapos napatunayang mali ang bintang kay Dr. Rea dahil lumabas sa medico-legal report na ang sanhi ng kama­tayan ng pasyente ay atake sa puso at hindi ito dahil sa pagbunot ng ngipin.

Malaya na muling nakapaglilibot sa Kuwait ngayon si Dr. Rea at kasalukuyan niyang inaasikaso ang mga papeles upang makauwi sa Pilipinas at makapiling ang kanyang pamilya rito.

Samantala ay inaalam ni Jinggoy ang ilang lu­mu­tang na impormasyon na tila nagkaroon daw ng pag­ku­kulang sa pag-aa­si­kaso kay Dr. Rea ang ating em­ba­hada sa Kuwait.

Si Jing­goy ay laging na­ngunguna sa pagpuri sa mga opisyal at kawani ng Philippine embassy o sinu­mang kinatawan ng pama­halaan ng Pilipinas na nag­bibigay ng magan­dang serbisyo, pero agad niyang sinusuri at inaak­syunan kung may reklamo sa anu­mang pagpapabaya ng mga ito sa kanilang tungkulin.

Show comments