EKSAKTONG siyam na taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang Rizal Day bombing (Dec. 30, 2000). Hanggang ngayon, sariwa pa ang alaala sa mga nabiktima ng karumal-dumal na pangyayari. Itinuturing ang Rizal Day bombing na pinakamadugong pangyayari sa Pilipinas na ang may kagagawan ay ang Jemaah Islamiyah, grupo ng mga terorista mula sa Indonesia. Pinakamadugong pangyayari sapagkat 22 katao ang namatay at mahigit 100 ang nasugatan. Pinakamaraming namatay sa Light Rail Transit (LRT) na kinabibilangan ng mga bata. Nangyari ang pambobomba habang abalang-abala ang mga tao sa paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Limang sunud-sunod na pambobomba ang naganap ng araw na iyon. Isang oras lamang ang pagitan. Unang binomba ang Plaza Ferguzon, Malate, Manila na malapit lamang sa US Embassy. Kasunod na binomba ay ang isang gasolinahan sa EDSA sa tapat ng Dusit Hotel, Makati kung saan ay dalawang pulis ang namatay. Kasunod niyon, sumabog ang isang bomba sa cargo handling area ng Ninoy Aquino International Airport. Sunod na sumabog ang isang bomba sa bus na bumibiyahe sa EDSA patungong Cubao at isang pasahero ang namatay. Kasunod niyon ay ang malagim na pagsabog sa LRT sa Blumentritt Station, Manila.
Blackpowder bomb umano ang ginamit na sangkap ay ammonium nitrate. May timing devices at blasting caps na katulad sa dinamita. Apat katao ang magkakasunod na nadakip at sila ay pawang mga miyembro ng Jemaah Islamiyah. Ang Indonesian terrorists na si Mukhlis Yunos at Fathur Rohman Al-Ghozi ang tinuturong nag-detonate sa bombang sumabog sa LRT. Napatay si Al-Ghozi makaraang tumakas sa Crame noong Oct. 13, 2003. Si Yunos kasama sina Abdul Fatak Paute at Mamasao Naga ay nahatulan ng 20-taon na pagkabilanggo noong January 23, 2009.
Sariwa pa ang sugat na nalikha ng Rizal Day bombing at matatagalan pa bago tuluyang mag hilom. Taun-taon habang ginugunita ang kamatayan ni Jose Rizal, maaalala rin ang kamatayan ng mga inosenteng mamamayan na biktima ng pambobomba. Ang pagbabantay ng awtoridad sa pakikipagtulungan ng mamamayan mismo ang makapipigil sa paglaganap ng terorismo. Hindi na dapat maulit ang Rizal Day bombing.