'Batang nilukot ang mukha...!'

ISANG 31 taong gulang na mama papatol sa 10 taong gulang na kalaro ng kanyang anak, hindi yata parehas ang laban!

Sa isang larong bata magsisimula ang away sa pagitan ng dalawang menor de edad. Si Iann King Lim, 10 taong gulang at si Clark Kenneth “CK” Asuncion, 7 taong gulang. Sino ba namang mag-aakala na masasama sa rambol ang tatay ni CK na si Resty?

Si Iann King alyas “Iann” ay nasa pangangalaga ng kanyang tiya na si Leticia, 36 na taong gulang ng Tondo, Manila.

Isang ‘battered-child’ umano si Iann. Nalulong sa pinagbabawal na gamot ang kanyang ama at ipinakulong ng kanyang sariling kapatid na si Leticia.

Mula nuon ay naiwan kay Leticia si Iann kasama ang tatlo pang nakababatang kapatid nito.

“Naawa ako kay Iann, kung maltratuhin siya ng kapatid ko grabe talaga! Kaya masakit man sa akin na ipakulong ang ama nila ginawa ko pa rin,” sabi ni Leticia.

Naging normal ang buhay bata ni Iann. Dati rati’y nakakulong lang siya sa bahay subalit ngayon malaya na siyang nakapaglalaro.

Isang hapon, Pebrero 14, 2009 tulad ng dati naglaro na naman sa labas ng bahay si Iann kasama ang kanyang kapitbahay na si “Jay” at CK.

Kwento ni Iann masaya silang naghaharutan sa kalye ng maitulak niya si CK at mapaupo ito sa dumi ng aso.

“Nagulat din po ako sa pangyayari. Naghaharutan lang kasi kami nun ng mapaupo na si CK. Nag-iiyak siya nun at mabilis na umalis,” salaysay ni Iann.

Nagpatuloy sa paglalaro si Iann at Jay. Nabigla siya ng matanaw ang isang malaking mama na nagmamadaling maglakad papunta sa kanya. Si Resty ang lalaking tinutukoy nito.

Bigla umanong hinila ni Resty ang tenga ni Iann at piningot sabay sabing, “P*7@^6 !#@ 3* bata ka! Anong ginawa mo sa anak ko?”.

Hindi dito natatapos ang ganti ni Resty kay Iann. Ayon sa bata pinagbabatukan niya ito at halos gusutin ang mukha na parang papel.

“Pinisil niya po ang mukha ko ng napaka diin. Muntikan pa niya kong suntukin buti nalang at nakailag ako,” pagsa­salarawan ni Iann.

Nakaiwas sa kamao ni Resty si Iann subalit ng sipain siya ni Resty sa haba ng paa ay natamaan nito ang kanyang tiyan. Napadantay ito sa ‘video karaoke’ sa garahe ng kanilang kapitbahay.

Umuwi si Iann na duguan ang kaliwang pisngi. Namumutla siya ng madatnan ni Leticia.

Mabilis na tinanong ni Leticia ang kanyang alaga kung anong nangyari sa kanya. Nung una’y inakala pa ni Leticia na inaway ito ng kanyang kalaro. Nabigla nalang siya ng sabihin ni Iann na tatay ng kanyang kalaro ang nambugbog sa kanya.

Pumunta si Leticia sa Barangay ng Tondo upang isumbong ang pambugbog ni Resty. Agad silang pinagharap ng lupon. Ayon kay Leticia imbes na humingi ng dispensa itong si Resty ay pinagmumura pa umano nito ang kanyang inang si Corazon na noo’y isa sa mga lupon.

“G@*0 ka pa eh! Gagawin ko ang lahat para sa anak ko. Gagawa ako ng sariling imbestigasyon. Ngayon magdemanda kayo kung gusto niyo. Salbahe yang anak mo... sinaktan ang anak ko!” hamon umano ni Resty kila Leticia.                 

Humingi sila Leticia sa barangay ng certificate of file action at itinuloy nito ang kaso laban kay Resty.

Nang parehong buwan, naisampa ang kasong ‘child abuse’ kay Resty sa Prosecutor’s Office ng Maynila at ito’y for ‘resolution’ na.

Ayon kay Leticia Oktubre nitong taon nakatakdang mailabas ang resolusyon ng kaso ni Prosecutor Suarez subalit hanggang ngayon wala pa rin umanong usad ang kaso dahil ayon sa kanya na-promote si Prosec. Suarez, Judge ng Parañaque.

“Paano po kaya iyon? Anu na po bang mangyayari sa kasong fi-nile namin laban kay Resty. Natatakot akong maisantabi ang aming kaso kaya nagsadya na ko sa inyong tanggapan,” pahayag ni Resty.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882khz (tuwing 3:00ng hapon) ang istorya ni Leticia.

Ipinaliwanag namin kay Resty na kung sakali mang totoong na-promote ang prosecutor na humawak ng kanilang kaso ay siguradong mai-ra-raffle muli ang kaso ng sa ganun ay makahanap ng bagong ‘fiscal’ na hahawak nito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maling patulan ng isang 31 anyos na lalaki ang isang batang paslit! Hindi dapat dinadaan sa laki ng katawan ang pagdidisiplina ng isang bata. Larong bata lang ito na nauwi sa away kalaro at hindi dapat pinapakailaman ng isang ama ang ganitong usapin. Tama bang patulan mo Resty si Iann? Isang mama na katulad mo ang papatol sa isang patpating bata? Tama ba yan? Kahit saang angulo mo tingnan mali ang ginawa mo. Naiintindihan naming gusto mong protektahan ang iyong anak subalit hindi sa paraang pambubugbog sa 10 taong gulang na bata.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landLine ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din ang aming tanggapan tuwing Sabado mula 8:30AM-12NN.

MGA MAMBABASA NG “CALVENTO FILES” tangkilikin natin ang Metro Manila Film Festival.

NAGKAROON ako ng pagkakataong mapanood ang pelikula ni Ramon “Bong” Revilla, Jr., at nakitaan ko ng kakaibang pag­ganap itong si Bong sa pelikulang “PANDAY.” Bagay sa kanya ang papel na Flavio na dating ginampanan ng Hari ng Peliku­lang Pilipino na si Fernando Poe, Jr.

Angkop na angkop sa kanya ang pagiging “bagong Panday.”

Maganda ang “chemistry”nila ni Philip Salvador, si Lizardo sa pelikula. Maganda at pulido ang mga fight scenes. Isang rebelasyon ang batang babaeng si Rhian na masasabing “fresh new face” at magaling ang pag-arte pati na rin ang pagkilos sa mga fight scenes.

Sa pagsalin ng papel kay Bong bilang Flavio at kay Ipe bilang Lizardo ang obra maestro ng isang kaibigan na si Carlo J. Caparas “the torch continues to burn” dahil ang karakter na Panday ay pang habang buhay ng nakaukit sa larangan ng sining nating mga Pilipino.

Isang pagpapakita na kailanman hindi dapat manaig ang kasamaan sa kabutihan.

Ang MMFF ay minsan lamang sa isang taon nagkakaroon ng pagkakataon ang ating mga Pelikulang Pilipino na walang kakumpetensyang pelikulang banyaga. Sana naman tulungan natin ang lahat ng pelikula dahil itong industriyang ito ay halos naghihingalo na sa dami ng mga kalaban.

Ang Pelikulang Pilipino ang naglalarawan ng puso at buhay nating mga Pilipino na talaga naman maipagmamalaki natin bilang isang lahat. Mabuhay ang pelikulang Pilipino.

email: tocal13@yahoo.com

Show comments