NAKASANAYAN nang ang kapanganakan ni An-dres Bonifacio ang ipinagdiriwang (ika-146th na ngayon) at hindi ang kanyang kamatayan noong Mayo 10, 1897. Masyado kasing malagim ang kamatayan ni Bonifacio, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio na umano’y pinaluhod pa saka binaril. Nahatulan siya ng kamatayan sa ilalim ng pamamahala ni Gen. Emilio Aguinaldo. Mga kapwa kasamahan din niya sa kilusan ang naggawad ng parusa. Ginawa ang execution sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite.
Isinilang sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 30, 1863. Naulila sa mga magulang noong siya ay 14-anyos. Mula noon siya na ang umako sa responsibi lidad ng iba pa niyang kapatid. Naging katulong siya sa simbahan. Habang walang ginagawa, nagbabasa siya ng mga libro. Nagbigay sa kanya ng inspirasyon ang libro tungkol sa French Revolution at ganoon din ang mga nobela ni Dr. Jose Rizal. Ang katapangan ni Bonifacio ay lumutang noong 1892 nang itatag ang Katipunan para labanan ang Kastila. Ang labis na kahirapan at kaapihan sa kamay ng mga mananakop ang nagtulak sa kanya para mag-alsa. Sa pamamagitan lamang ng rebolusyon makakamit ang kanyang minimithi. Kung makakalaya sa mga mananakop, makakalaya na rin sa kahirapan at kaapihan. Pero hindi niya natapos ang sinimulan.
Walang pagkakaiba ang ipinaglalaban ni Bonifacio noon kaysa ngayon. Ang kahirapan pa rin ang kalaban ngayon ng mga Pinoy. At nadagdagan pa, sapagkat maraming uhaw sa edukasyon. Maraming Pinoy hindi makapag-aral. Marami ang hindi maru-nong sumulat at bumasa. Kailangan pang gisingin ng isang Efren Peñaflorida (CNN Hero ng 2009) ang gobyerno para pagtuunan ang edukasyon. Walang sapat na kakayahan ang pamahalaan para bigyan nang mahusay at mabuting edukasyon ang mamamayan. Kulang sa school, classroom at iba pang gamit ang mga eskuwelahan.
Habang marami ang naghihirap sa kasalukuyan, marami rin naman ang nagpapasasa sa pera ng taumbayan. Talamak ang corruption kaya hindi maka- ahon sa kahirapan.
Nag-alsa si Bonifacio para makalaya ang mga Pilipino sa mga Kastila. Ngayon, dapat ituloy ang laban sa mga corrupt at nang makalayang lubusan sa kahirapan at masumpungan ang mahusay na edukasyon.