Propaganda pollution

Sa latest decision ng Korte Suprema sa Penera v Co­-me­lec, nilinaw nito na hindi maaring panagutin ang mga nakapagfile na ng kandidatura sa mga ginagawa nitong pagpapakilala sa tao kahit hindi pa takdang pa­nahon ng kampanya.

Naging kontrobersyal ang usaping ito dahil inabante ng Comelec ang period for filing of candidacy upang mai-print ang katakut-takot na kandidato sa balotang ga­gamitin ng mga bagong makina sa eleksyon. Hindi naman maiurong ang campaign period dahil mandando mismo ng Saligang Batas. Halimbawa’y sa Pebrero pa mag-uumpisa ang 90 day campaign period para sa pam­ban­sang posisyon. Paano ngayon ang gagawin ng mga naghain na ng kandidatura mula Disyembre 1 hang­gang Pebrero? Wala sana sa kanilang nakakilos dahil sa takot na madisqualify. Sabi nga ni Atty. Romy Makalintal, kahit pakipagkamay o kumaway ay maari nang paghi­na­laang premature campaigning. Ngayon, salamat sa Supreme Court, wala nang balakid sa pagbomba ng gastos sa mga TV-Radio-Print ads at mga tarpaulin streamers.

Ang premature campaigning issue ay isa sa mga butas ng batas na hindi sana mapapansin kung hindi nasi­lip at napagsamantalahan ng mga tusong kandidato. Ma-li­naw ang diwa ng probisyon – walang lamangan. Sabay-sabay dapat mag-uumpisa sa starting line, walang partida. Pero pasaway din lahat – maging ang mga nag­ma­ma­laking HONEST daw sila –– sila rin ang unang nag­sa­man­tala: Unang pumadyak, unang nagtangan ng sulo sa kadiliman.

Bahagi raw ng freedom of expression ng kandidato ang pagpapalabas ng anumang propaganda ng pagpa­pakilala. Kung mayroon sa ating naiinis, sorry na lang. Pero hindi naman tayo salat sa remedyo lalo na sa mga posters at streamers. Kung hindi sila maawat, at least maari nating pakinabangan ang kanilang panana­man­tala. Ganito: Bawat isang LGU ay may kanya-kanyang outdoor advertising ordinance. Pumutok nga ito nung kasagsagan ng billboard   issue. Sakop ang lahat ng signage na itinataas sa mga poste, puno, pader, bahay at gusali. Bahagi ng regu­lasyon ang pagbayad ng fee sa bawat isang poster na tinataas. At bilang pati­bay na nagbayad at duma­an sa proseso, mayroon dapat kaukulang tatak ng munisipyo ang bawat kop­yang inilalagay.

Kapag wala? Malaking multa o kulong ang katapat! Ipatupad lang ng mahigpit ang mga kau­tusang ito at hindi man natin mapigil ang walang pakun­da­ngang po­lusyon ng propaganda, at least makikina­bang naman ng husto ang ating mga ko­munidad sa kanilang pan­lalamang.

Show comments