KAHIT hindi pa Pasko ay parang pasko na rin dito sa opisina ng Pilipino Star NGAYON (PSN) at kapatid na pahayagan, Philippine STAR. Hindi mga Christmas lights ang aking tinutukoy, kundi ang kabaitan ng puso ng mga empleyado at namumuno ng STAR group of companies.
Nasabi ko ito dahil may lampas 2 taon na akong dok-tor dito sa STAR group. Karamihan ng empleyado ay nakausap ko na. Bukod sa pag-check up ng kanilang kalusugan, ay nakita ko rin ang sakripisyo nila.
Tulad na lang ni Ms. Wilma, isang proofreader sa Philippine STAR. Lagi siyang nangunguna sa pagpunta sa mga relief operations nitong may bagyo. Kahit masakit ang paa ni Ms. Wilma ay sumusugod pa rin siya sa baha. Sabi ko ay mag-ingat siya at baka ma-leptospirosis siya. “Ok lang dok, basta makatulong sa iba,” ang sabi niya.
Si Mr. Nestor Pantig naman ay may 30 taon na sa STAR group. Nakita ko siyang masipag na nagbibitbit ng mga relief goods para ipadala sa mga binaha sa Pampanga. Pero alam ba ninyo na may chronic kidney failure (sira ang bato) si Nestor at kailangan na niyang mag-dialysis 3 beses kada linggo. Kahit pinagbabawalan ko siyang magbuhat ng mabibigat, ang sagot lang niya ay, “Dok, kaya ko pang magbuhat. Ok lang ako.”
Napakarami pang matulungin dito sa STAR, tulad ni Ms. Emmie Cruz, ang coordinator ng Operation Dama-yan, at lahat ng miyembro nito. Nandiyan siyempre ang relihiyoso at mapagbigay nating editor-in-chief na si Mr. Al Pedroche. Hindi ko maisulat ang lahat ng pangalan nila pero marami silang re-packing ng relief goods at pagluluto na ginawa.
Mr. Miguel G. Belmonte: Ang Ama ng STAR Group
May kasabihan na kung ano ang puno, iyun din ang bunga. Ang PSN at Philippine STAR ay itinatag ni Ms. Betty Go-Belmonte, ang yumaong ina ng President at CEO ng STAR Group na si Mr. Miguel G. Belmonte. Kung gaano kabait si Ms. Betty Go ay ga noon din kabait ang kanyang anak na si Miguel Belmonte.
Noong panahon ng Ondoy at Pepeng, agad-agad na inatasan ni Mr. Miguel Belmonte ang STAR group na magbi-gay ng tulong sa mga nasalanta. Nag-donate kaagad ng malaking halaga ang STAR group para maumpisahan na ang relief operations. Nakapunta sila sa Taytay, Pangasi nan, Taguig, Labuna, at iba pang lugar. Umabot sa lampas P5 million ang halaga ng relief goods ang napamigay.
Masaya kami ng aking Misis na si Dra. Liza Ong na tingnan ang medikal na pangangailangan ng STAR group of companies. Sa aking pakiwari ay kung mapapahaba ko ang buhay ng mga empleyado ng STAR, ay para na ring napahaba ko ang kanilang pag tulong sa ating kababayan. Mula sa PSN at Philippine STAR, Maligayang Pasko po sa lahat. God bless po!