KASO ito ni Nito. Corporate secretary siya ng REDECO. Idinemanda ni Ed ang REDECO pati si Nito dahil sa nangyaring pagpapalabas ng kompanya ng apat na bagong stock certificate kapalit ng apat na hawak ni Ed. Ayon naman kay Nito at sa REDECO, walang ebidensiyang ipinakita si Ed na ibinigay/inilipat sa kanya ang nasabing mga stock certificates. Hindi rin daw nakadeklara sa libro ng kompanya ang mga ito.
Ayon sa korte, tunay ang mga stock certificates na hawak ni Ed. Inamin mismo ng REDECO na nakuha ang mga ito ng stockbroker ni Ed. Ipinag-utos sa REDECO at kay Nito na magkatulong nilang bayaran ang kasalukuyang halaga ng stock certificates sa merkado na umaabot na sa P695,873 pati legal na interes mula Hunyo 6, 1997 at 25% bilang gastos sa abogado. Damay si Nito sa pagbabayad dahil sa matinding kapabayaan na kanyang ipinakita nang hindi siya kumilos sa sulat ni Ed tungkol sa mga stock certificates.
Hindi naperpekto ng REDECO at ni Nito ang apela nila sa kaso kaya naging pinal ang desisyon ng korte noong Enero 9, 2002. Ipinatupad ang desisyon sa bisa ng isang writ of execution. Inutusan si Nito na dalhin sa korte ang isang stock certificate ng isang golf club (VGCC) na kanyang pagmamay-ari upang maibenta sa public auction at maging pambayad sa kaso. Hindi sumunod si Nito kaya naparusahan (contempt) siya ng korte.
Inapela ni Nito sa Court of Appeals ang order of contempt. Ayon sa kanya, bilang isang opisyales ng kompanya, hindi niya personal na sagutin ang anumang obligasyon nito. Walang legal na basehan ang korte nang ipag-utos nito na isuko niya ang stock certificate ng VGCC na kanyang pagmamay-ari. Inabuso rin daw ng korte ang kapangyarihan nito nang parusahan siya ng “contempt”. Tama ba si Nito?
MALI. Ayon na rin sa naging pag-aaral ng korte sa kaso, talamak ang kapabayaang ipinakita ni Nito nang hindi siya kumilos sa sulat ni Ed. Kahit pa may mali sa desisyon, hindi naman ito sapat upang mapawalambisa. Naging pinal ito dahil sa hindi nagtagumpay ang apela ng mga sangkot. Nararapat lamang na ituring itong tama at ipatupad ayon sa kondisyones na nakasaad. Sana kung nagtagumpay ang apela ng REDECO at ni Nito o kahit paano ay kinuwestiyon nila ang utos na nagbasura sa apela. Sa ganitong sitwasyon na naging pinal na ang desisyon, hindi na maaaring mabago ang laman nito kahit pa sabihin na may mali sa desisyon. (Obieta vs. Cheok, G.R. 170072, September 3, 2009).