Spoiled brats

WALANG kareklamo-reklamong naglalakad sa ilalim ng matinding init ng araw ng tanghaling tapat ang tatlong batang Ata-Manobo galing sa kanilang paaralan sa Tibi-Tibi Elementary School at papauwi sa kani-kanilang bahay.

May tatlo hanggang walong kilometro ang karaniwang nilalakad ng mga mag-aaral upang makapasok lang araw-araw sa Tibi-Tibi Elementary School sa bundok ng Talaingod, Davao del Norte.

Maging ang mga guro sa Tibi-Tibi Elementary School ay binabagtas din ang nasabing kaaayos lang na daan, may dalawang kilometro patungong Sitio JBL na kung saan naroon ang kanilang dormitoryo.

Pudpod na nga ang kanilang mga tsinelas sa kalalakad ngunit patuloy pa ring pumapasok sa eskwela ang may 367 batang Ata-Manobo sa Tibi-Tibi Elementary School.

At hindi maiwasang maiihambing ang mga kabataan natin ngayon sa mga urban areas, lalo na yong mga nasa mga exclusive at private schools na mabilis pa sa kidlat sa pagreklamo tuwing sila ay may ‘inconveniences’ o konting discomfort man lang tuwing sila ay papasok sa paaralan. Sila ay hinahatid ng mga airconditioned vehicles at may matching yaya na tagadala ng kanilang mga school bags.

Talagang naging spoiled brats ang mga kabataan sa lungsod kung ihambing sa mga mag-aaral sa probinsya.

Ang mga mag-aaral ng Tibi-Tibi Elementary School naman ay sanay sa lakad mapatag-ulan man o tag-araw.

Kapansin-pansin din na ang nakahiligang pastime ng mga kabataan sa Tibi-Tibi ay ang pag-aakyat at paglalaro sa mga sanga ng puno. Halatang maligaya na sila sa kanilang nakasanayang simpleng laro.

Hindi nga uso sa Tibi-Tibi Elementary School ang PSP, cell phones, laptops o kung anumang gadget na puwedeng laruan. Lalong walang internet doon.

Napakasimple nga ng buhay ng mga batang mag-aaral sa Tibi-Tibi Elementary School at maging sa ibang paaralan sa kanayunan kung sila ay ihahambing sa urban schools students.

Subalit ayon sa bagong resulta ng National Achievement Test (NAT), lumalabas na mas mataas ang nakukuhang marka ng mga nasa probinsiya kung ikumpara sa mga mag-aaral sa Metro Manila na kung saan naroon ang lahat ng modernong kagamitan sa pag-aaral.

Show comments