TUMATAAS daw ang bilang ng mga dinadapuan ng alzheimer’s disease o pagiging ulyanin. Ibig sabihin, makakalimutin at nagiging isip bata. Sa ibang salita sa Inggles, dementia ang tawag dito.
Sakit ba ito ng matatanda? Oo naman. Pero madalas, sakit din ito ng mga pulitiko na habang nangangampanya ay kung anu-anong magagandang pangako ang binibitiwan sa bayan pero kapag nahalal ay nakakalimot na.
Seriously speaking, isinusulong ngayon sa Senado ang isang bill para sa pagtatayo ng Alzheimer’s Disease Research Center sa bansa para tulungan ang mga taong nagkakaroon ng nasabing karamdaman. Ito ang Senate Bill 3473.
Tinatayang nasa 758.7 milyon ang mga matatanda sa mundo o yung may edad na 60 pataas. Sa pag-aaral na isinagawa naman ng Alzheimer’s Disease International sa nabanggit na bilang, may 35.6 milyon katao ang magkakaroon ng dementia pagdating ng 2010. Baka naman after 2010 o matapos mahalal yung mga politikong nangako ng kung anu-anong magagandang bagay sa mga botante. Joke lang.
Seriously again, inaasahang dodoble ang nasabing bilang sa loob ng 20 taon. Talagang seryosong sakit yang pagiging ulyanin. Ikinukuwento sa akin ng aking anak na habang nagmamaneho siya sa highway sa Amerika, may nakasabay siyang kotseng pagewang-gewang sa daan. Nang sitahin ng pulis, isa palang senior citizen na may alzheimer’s disease ang nagdi-drive. Nakalimutan niyang nagmamaneho siya ng kotse.
Bakit kaya lumulubha ang sakit na ito? Marahil sa hanging nilalanghap natin na hindi sariwa. Siguro dahil sa mga kung anu-anong kemikal na pumapasok sa ating katawan. Maraming dahilan. Siguro’y kaakibat na rin ito ng climate change bunga ng pagsalahula ng tao sa kapaligiran.
Sa South East Asia lamang na tinatayang nasa 51.2 milyon ang matatanda, limang porsiyento ang may dementia at dodoble pa ito sa loob ng 20 taon.
Kung ganap na magiging batas ang panukala ay tatawaging “Treatment of Alzheimer’s Disease Act of 2009”. Suportahan natin ang panukalang ito pero sana’y hindi puro letra kundi may lakip na aksyon.
By the way, sinasabing may dalawang sintomas ang pagkakaroon ng alzheimer’s disease. Una ay ang pagka-malilimutin; pangalawa ay.. ay..Teka, teka, he-he-he.. pasensya na. Nakalimutan ko eh.