KAHAPON ay marami pa ring pasahero sa mga bus stations at nagbabakasakaling makasakay para makauwi sa kani-kanilang probinsiya at doon gunitain ang Undas. Kahit na kinansela ang biyahe ng mga bus dahil sa bagyong Santi, marami pa rin ang naniniwalang aalisin na ngayon ang naunang utos na walang bibiyahe. Inalis na rin naman kasi ang storm signal.
Bago ang pananalasa ng bagyong Santi, marami nang nakauwi sa kanilang probinsiya para doon gunitain ang Undas. Kung meron mang hindi pa nakakauwi, maliit na porsiyento na lamang iyon.
Bukas o sa Martes, tiyak na dadagsa naman ang mga taong pabalik sa Metro Manila dahil tapos na ang mahabang weekend. Mapupuno na naman ng mga pasahero ang mga bus terminal. Marami nang nag-aagawan para makasakay at makabalik sa Maynila. Bukas, inaasahang siksikan ang mga pasahero sa mga terminal para makasakay pauwi.
Dahil gustong makauwi, wala nang pinipili ang mga pasahero, sakay na lamang nang sakay sa mga bus. Kapag hindi pa sumakay, tiyak na aabutin ng siyam-siyam at hindi makauwi. Saka na lamang mare-realized (kung nabuhay) na dapat ay iniwasang sumakay sa “bumibiyaheng kabaong”. Hindi sana nakasama sa malagim na trahedya kung saan ay nagdayb sa ilog ang bus.
Ganyan ang nangyari sa Dagupan Bus na naaksidente sa Cauayan, Isabela tatlong araw bago ang Undas. Nag-overtake umano ang bus at hindi napansin ang kasalubong na pickup. Sumalpok ang bus sa mga kasalubong at nahulog sa bangin. Walong pasahero ng bus ang namatay at tatlo naman sa mga sasakyang nakabanggaan. Karamihan sa mga pasahero ng Dagupan Bus ay pauwi sa probinsiya para gunitain ang Undas.
Bago ang aksidente sa Isabela, isang truck naman ang nahulog sa North Cotabato at tatlo ang namatay. Nag-overtake din ang truck at dahil sa bilis ng takbo, nahulog sa tulay.
Paalala sa mga magbabalik-lungsod, mag-ingat sa mga “bumibiyaheng kabaong”. Karamihan sa mga bus ay hindi na gaanong natitsekap kaya naman palyado na ang preno. Maging mapagmatyag sa mga bus na ito na sinasayang ang buhay ng kanilang pasahero
Ang isang tiyak, maghihigpit muli ang LTO at LTFRB sa mga bumibiyaheng kabaong”. Hanggang kailan naman ang paghihigpit? Isa, dalawa o tatlong araw at balik na naman sa masamang gawi.