(Unang Bahagi)
KASO ito nina Nita at Rod. Si Nita ang panganay sa limang magkakapatid. Limitado lang ang edukasyong naabot ng kanyang mga magulang. Bilang panganay, inaasahan na magiging mabuting halimbawa siya sa mga nakababatang kapatid. Hinihigpitan siya at madalas na pinarurusahan ng mga magulang. Tuloy, nagkaroon siya ng matinding hinanakit sa ama at masidhing pagnanasa na makaalis sa poder ng pamilya. Nagawa niyang makalayas sa edad na 23 nang makilala niya si Rod.
Si Rod naman ang pangatlo sa limang magkakapatid na lalaki. Dalawampu’t walo na siya. Mas malakas ang personalidad ng nanay niya at sunud-sunuran lang ang tatay niya sa babae kaya itinuturing itong mahina. Ang dalawang kapatid naman niyang nakatatanda ay parehong nagtatrabaho bilang seaman. Siya ang laging nandiyan at nakaalalay sa pangangailangan ng ina. Kakaiba at abnormal ang naging relasyon nila ng ina. Imbes na ang ama ay ito ang naging idolo niya. Sa tagal ay umaasa na lang siya sa ina. Dahil sa magkabaliktad na papel na ginagampanan ng magulang, pati personalidad at katauhan ni Rod ay naapektuhan.
Isang buwan at kalahati matapos ang kanilang unang pagkikita, nagpakasal sina Rod at Nita. Ang ina ni Rod ang nakakuha ng isang kuwarto para sa kanila malapit sa pamilya ni Rod. Ang ina rin niya ang nagbabayad ng upa sa bawat buwan. Si Nita ang nagtatrabaho samantalang si Rod na nakatapos ng kursong computer science ay hindi man lang nag-abalang maghanap ng pagkakakitaan. Sa ina lagi tumatakbo ang lalaki upang humingi ng panggastos. Kinukumbinse ni Nita si Rod na magtrabaho ngunit laging may palusot ang lalaki. Kesyo matanda na raw siya para sa trabaho o kaya ay walang damit at sapatos na isusuot. Ibinili siya ni Nita ng damit at sapatos na gagamitin sa paghahanap ng trabaho. Sinabi ni Rod na nakahanap na siya ng trabaho. Ilang linggo ang nakalipas bago nadiskubre ni Nita na niloloko lang siya ni Rod at hinihingi lang sa ina ang di-umano’y suweldo ng lalaki. Nang komprontahin, umiyak na parang bata si Rod. Sinabi lang daw niya kay Nita na may trabaho na siya para tumigil na ang babae sa katatalak sa kanya. Noon naintindihan ni Nita kung gaano katindi ang pagiging maka-nanay ni Rod. Lahat ng kilos at desisyon niya sa buhay ay dapat ayon sa kagustuhan ng ina.
Ang mahirap pa kay Rod, sa tuwing nalalasing ay nagiging bayolente siya at sinasaktan niya si Nita. Isang beses sa isang buwan lang kung magtalik sila at hindi niya ito nagugustuhan. Kapag sinasabi naman niya ito kay Rod, ang sagot lang ng lalaki, sagrado daw ang pagtatalik at hindi dapat abusuhin at magustuhan ng babae. Ayaw din ng lalaki na magkaanak sila. Hindi pa raw siya handa. Nang ipilit ni Nita na lumipat sila ng tirahan ay hindi pumayag si Rod. Kaya umalis si Nita na umaasang susundan siya ng lalaki. Ngunit hindi ito sumunod.
Matapos ang apat na taon, nagsampa ng petisyon sa korte si Nita upang mapawalang-bisa ang kanilang kasal alinsunod sa Art. 36 ng Family Code. Sa paglilitis ay hindi nag-abalang sumagot o magpakita man lang si Rod. Nang masiguradong walang naging pagkukuntsaba sa magkabilang panig, hinayaan na magbigay ng testimonya si Nita. Pagkatapos sumunod na tumestigo ang pinsan ni Rod at ang isang psychiatrist. Nagbigay ng ulat ang huli tungkol sa kakayahan ng mag-asawa. Dahil daw sa tindi ng dinaranas na Dependent Personality Disorder ni Rod, hindi nito kayang gampanan ang responsibilidad ng isang asawa.
Matapos pag-aralan ang lahat ng ebidensiyang inihain, dineklara ng korte na mula sa umpisa ay walang bisa o “void ab initio” ang kasal ng dalawa. Tama ba ang ginawa ng korte?
(Itutuloy)