DATING CAFGU pala ang napaslang na magnanakaw sa Greenbelt 5. Labing-isang tao ang pumasok sa Greenbelt 5 at tumuloy sa tindahang nagbebenta ng mamahaling relo. Pinag bababasag ng anim ang mga eskaparate at dinampot ang mga relo habang ang lima ay nagsilbing bantay sa labas. Ma-buti na lang at nandun pala ang mga pulis na bodyguard ni Mayor Freddie Tinga at nakipagbarilan sa mga magnanakaw. Napatay nila ang isa.
Napakadalas malaman na ang mga nakakagawa ng mga ga nitong klaseng krimen ay mga dating pulis o militar. Ang kanilang mga pagsasanay para gumaling sa paglaban sa krimen ay ginagamit na sa krimen! Iyan ang mahirap kapag naging masama na ang mga dating alagad ng batas o mga sundalo. Kaya mahalaga ang “psychological screening” ng mga aplikante o yung mga gusto maging pulis o sundalo. Dapat makita kung may mga indikasyon na magiging kriminal din balang araw. Mga kaugalian o senyales na may masamang bahid sa pagkatao ng mga aplikante. Siguradong hindi naman makikita lahat pero ganito kaaga ay puwede nang tanggihan.
Matindi ang silaw ng pera sa tao. Kasama ang mga pulis at sundalo. Kapag naisip nang mamuhay ng masama, mahirap labanan dahil lamang na sila sa mga pagsasanay nila. Kaya walang laban ang mga guwardiya. Ano ba naman ang training ng guwardiya sa ganyang sitwasyon? Kung hindi rin lang dating pulis o sundalo rin, wala talagang magagawa kundi sumuko na lang! Pero sigurado dahil dito hihigpit na naman nang husto ang seguridad sa mga mall. Hanggang lumuwag muli.
Siguro dapat mas binabantayan ang mga umaalis na sa serbisyo na mga pulis at sundalo, o kaya’y yung mga nag- AWOL na lang. Katulad ng napaslang na magnanakaw, na may mga warrant na pala para sa iba’t ibang krimen. Dapat alam nila kung nasaan ang mga ito at kung ano na ang mga kasalukuyang trabaho. Hindi na kasi sila ordinaryong mamamayan lang. Mas malaki na ang kakayahan nilang gumawa ng krimen dahil bukod sa training nila, alam rin nila kung paano kumilos ang mga alagad ng batas. Mga mahuhusay nang kriminal!