PINAGBUBUNTUNAN ng sisi ng Philippine National Police (PNP) partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga pobreng guwardiya ng Greenbelt mall sa ginawang panloloob ng notoryus na grupo ni Alvin Flores.
Kulang na lang sabihin ng NCRPO na “sangkater- bang mga palpak at mga duwag” ang mga security guard ng Greenbelt dahil nakatakas ang mga salarin.
Ang masahol dito, nililihis nila ang isyu. Ang dahilan ng problema, hindi napag-uusapan.
Nakasentro ang PNP sa epekto lamang. Lagi silang may dahilan at kung anu-ano ang pinagsasabi sa grupong ito na hindi naman nila kayang pulbusin.
Nakakalimutan na yata ng PNP na trabaho nila ang magsugpo ng mga grupong nagnanakaw sa banko, nanloloob ng mga mall at iba pang establisimento.
Ang nakapagtataka, blanko pa rin ang intelligence ng PNP ni Gen. Jesus Versoza. Isama na natin si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary na balak maging vice-president ngayong darating na halalan, si Ronaldo Puno.
Malaki ang intelligence fund ng PNP na halos kalahating bilyong piso subalit hindi ito nagagamit laban sa mga notoryus na grupong tulad ni Alvin Flores at iba pang mga magnanakaw sa banko, mall at mga establisimentong pangnegosyo.
Pagpasok ng taong ito hanggang kasalukuyan, mahigit 24 panghoholdap at panloloob na ang naisagawa ng grupong ito.
Patuloy itong tataas. Malas na lang ng mga susunod na establisimiyentong mabibiktima. Ang tanging maaasahan nila sa PNP ay mga babala lamang.
Balewala na sa mga notoryus na grupong ito ang ating mga alagad ng batas. Wala silang pinipiling oras, mapa-umaga man, tanghali, hapon o gabi, matao man o hindi.
May dahilang mabahala ang business community dahil wala naman talagang magawa ang PNP sa kabila ng kanilang malaking pondo para sa intelligence.
Ang gusto ngayong marinig ng taumbayan ay “kailan matutuldukan ang maliligayang araw ng grupong ito”? Kailangan ng PNP na magdeklara ng all out war tulad halimbawa ng shoot-to-kill order upang pulbusin ang grupong ito.
Kinakailangang may maipakitang agarang resulta ang ating PNP. Kinakailangan maibalik ang kumpiyansa’t tiwala ng mga negosyante at taumbayan.
Higit sa lahat, kinakailangang mabura ‘yung takot at walang katiyakan na bumabalot ngayon sa ating isipan. Gen. Jesus Verso-za, kilos…pronto!