KAMI ni President Erap at ang aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay sumasaludo sa OFWs na mabilis tumugon sa aming panawagan na matulungan ang calamity victims.
Isa rito ay ang grupo ni Dr. Chie Umandap ng Office of Assistant Undersecretary for Dental Administration ng Kuwait Ministry of Health.
Sa umpisa pa lang, nakaipon agad ang grupo ni Dr. Chie ng mga donasyon na umabot sa 41 malalaking kahon at isa pang 20 footer container van na punumpuno ng relief goods tulad ng used clothes, de-latang pagkain, sapatos, laruan, noodles, blankets at iba pa, at ito ay ididiretso sa CARITAS group ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Mayroon pa silang padalang planeload ng relief goods na nagkakahalaga ng $3-milyon mula naman sa Kuwait Red Crescent, chapter ng pandaigdigang Red Crescent Society na aktibo sa pagtulong sa iba’t ibang bansa, at idi diretso naman sa Philippine National Red Cross (PNRC).
Naisakatuparan ang tulong ng Kuwait Red Crescent sa pamamagitan ng mga OFW na pinangungunahan ni Ms. Maxxie Santiago at Philippine Embassy sa Kuwait. Karamihan sa donasyon ng Kuwait Red Crescent ay kumpletong relief pack kada kahon na naglalaman ng sleeping bag, kitchen utensils at pagkain para sa bawat calamity victim. Nakipag-ugnayan ang opisina ni Jinggoy sa Social Action Directors ng CBCP upang matukoy ang benepisyaryo ng naturang relief assistance partikular ang mga nasalanta sa Pangasinan, Bangued at Laguna.
Sa makabuluhang hakbanging ito, sinasaluduhan at pinasasalamatan ko ang grupo nina Dr. Chie, Ms. Maxxie, iba pang OFWs sa Kuwait, Philippine Embassy, gayundin ang Singapore Airlines at Qatar Airways sa pagbiyahe ng naturang relief goods mula Kuwait.