MAGANDANG malaman na patuloy ang paghahalukay (dredging) sa Pasig River. Hinahalu-kay ang ilog para maalis ang mga dumi rito at nang maging mabilis ang pag-agos ng tubig. Sa dami ng duming naka-istak sa Pasig River, mabagal na ang daloy kaya nagkakaroon ng pagbaha sa Metro Manila. Pinakamalaking baha na nangyari sa Metro Manila sa loob ng 20 taon ay noong September 26, 2009 nang manalasa ang bagyong si Ondoy. Sabi ni Environment Secretary Lito Atienza, 30 porsiyento nang kumpleto ang paghalukay sa ilog. Umano’y 468,000 cubic meters na nang dumi ang nahalukay sa ilog. At ang maganda pang sinabi ni Atienza, ipinag-utos ni President Arroyo na kailangan sa December 2010 ay tapos na ang proyektong paghalukay sa maruming ilog.
Ginawa raw ang paghalukay sa Pasig River, ilang buwan bago ang pananalasa ni Ondoy. Sabi pa ni Atienza, kung hindi raw nasimulan ang paghalukay bago dumating si Ondoy baka mas malaki pang baha ang naranasan sa Metro Manila. Sa Pasig River daw umano bumabagsak ang tubig na galing sa mga ilog at mga creek. Iniluluwa naman ng Pasig River ang tubig sa Manila Bay. Malaking tulong ang Pasig River para hindi lumubog ang Metro Manila.
Ayon kay Atienza, layunin ng paghalukay na ma kuha ang 2.83 million cubic meters ng debris o sidement sa Pasig River. Limang Eco-Grab machines ang ginagamit para sa proyektong ito. Ang mga nakukuhang debris ay naka-confined sa isang disposal facility. Enviromentally safe ang teknolohiyang ginagamit sa mga nakukuhang debris o sediments.
Tatlumpung porsiyento na ang nagagawang paghalukay sa dumi ng Pasig River at matagal-tagal pang panahon ang hihintayin para matapos ito. Kahit mabagal ang paghalukay, okey lang basta tuluy-tuloy lang. Matatapos din ang paghalukay hanggang sa tuluyang mawala ang dumi sa ilog.
Subalit habang ginagawa ang paghalukay, nararapat din naman na maging mabangis si Atienza sa mga pabrika o kompanyang nagtatapon ng kanilang dumi sa Pasig River. Maraming pabrika ang nasa pam-pang ng Pasig River at maaaring sa ilog nila pinaaagos ang kanilang dumi. Maging mabangis din si Atienza sa mga squatters na naninirahan sa pampang ng ilog. Sila ang mga nagtatapon ng basura at iba pang dumi rito. Walang silbi ang paghalukay habang patuloy naman ang pagtatapon ng basura o dumi sa Pasig River.