DAHIL marami ang naapektuhan at malaki ang danyos na iniwan ng dalawang malakas na bagyo, panahon na ng mga bargain sale, pagbebenta ng mura ng mga binahang kagamitan o kahit anong natitirang ari-arian. At hindi lang mga negosyo ang gumagawa nito kundi pati mga biktima ng baha, partikular mga may kaya. Nauuso ang “flood sale” sa mga tindahang inabot ng baha. Damit, sapatos, bag, pati mga ibang appliance at kagamitan. Sa isang dako naman, mga binahang sasakyan na ayaw nang gastusan ng mga may-ari, pati mga bahay at lupa sa mga lugar na binaha ng grabe ay binebenta na ng mura. Kaya pumapasok na naman ang mga namamantala, at ngayon, hindi ang mga nagbebenta ang namamantala kundi mga bumibili.
May mga hindi naman naapektuhang mga tao at may mga pera pa. Sila ngayon ang tila may kapangyarihan, dahil na naman sa pera. Dahil bumabagsak na ang presyo ng mga lupain sa mga lugar na binaha nang grabe, may mga namimili na iniiipit pa lalo ang mga tinamaan nang husto. Mababa na nga ang presyo ng mga bahay o lupain, tinatawaran pa nang husto. Naiintindihan ko na ganyan naman talaga ang negosyo. Pero pagdurusa at paghihirap na ng isang tao ang gustong pakinabangan at pagsamantalahan. Hindi naman tama iyon.
Pati mga sasakyang lumubog na ayaw nang ipagawa ng mga may-ari, tinatawaran din nang husto! Kaya kung mamimili kayo ng segunda-mano na sasakyan sa darating na dalawa o tatlong buwan, alamin kung lumubog ito ng Ondoy! Siyempre hindi naman gagastusan nang husto ng mga nakabili sa pagpapaayos at pagpapalinis ng mga sasakyan dahil ang gusto nga ay kumita nang mabilis at malaki! Sa Baguio naman, sarado pa ang lahat ng mga kalye dahil sa landslide at baha. Dahil walang nakapapasok na supply ng gasolina at pagkain, nagtaasan ang mga presyo. Pananamantala ng mga negosyante!
Bumibilib naman ako sa mga negosyante na hindi nagtaas ng presyo para sa mga serbisyo o kalakal, at binaba pa para na lang makatulong sa mga nasalanta ng baha. Mga mekaniko na pagod na pagod na rin sa kakagawa ng mga sasakyan para mapaandar lang kaagad dahil iyon lang ang sasakyan ng isang pamilya. Mga pilit na inaayos ang mga computer box ng sasakyan para huwag na lang bumili ng bago. Ito ang mga negosyo na mas matatandaan dahil hindi namantala noong baha, kundi tumulong na lang para makabangon na kaagad ang mamamayan!