MADISKARTE at mautak na ngayon ang mga miyembro ng budol-budol gang. Dahil gasgas na ang kanilang estilo sa karamihan sa mga Pilipino dito sa ating bansa, mga balikbayan naman ang kanilang puntirya sa ngayon.
Ilang magkakasunod ng insidente kung saan may mga Overseas Filipino Workers at balikbayan ang lumapit sa BITAG upang magsumbong ng kanilang karanasan sa kamay ng mga budol-budol.
Nais rin nilang kuwestiyunin ang batas na ipinatutupad umano ng mga otoridad na kanilang nilapitan. Nadidismaya sila kung itutuloy at isasampa pa raw nila ang kaso.
Mahuli man daw ang mga suspek na bumiktima sa kanila, makakasuhan ito subalit mapipiyansahan naman at agad makakalaya.
Maaari pa daw mapawalang sala ang mga ito dahil kinakailangan ng matibay na ebidensiyang makakapagpatunay na miyembro nga ito ng budol-budol gang na nambiktima sa kanila.
Ang kanilang tanong, kung ganito naman lamang daw pala kahina ang batas pagdating sa ganitong krimen, bakit hindi magpakalat ng mga babala lalo na sa mga pampublikong lugar tulad ng bangko, palengke at mga terminal ng sasakyan.
Tinatayang dito madalas nagaganap ang paglapit at pakikipagtransaksiyon ng mga budol-budol sa kanilang mga biktima.
Depensa pa ng mga balikbayan at OFW na biktima, hindi sila pamilyar sa ganitong uri ng modus.
Maraming katanungan kung paano sila napapasunod sa mga suspek na widrahin ang lahat ng kanilang pera sa bangko pati na mahahalagang bagay sa bahay tulad ng alahas at gadgets.
Bulung-bulungan ng ibang nabiktima, “hipnotismo” raw ang ginamit ng sindikato. Subalit sa nakikita ng BITAG, mula sa kasong napag-aralan namin, paghahangad ng sobra ang isa rin sa mga dahilan.
May alok at pangako ang miyembro ng sindikato ng budol-budol na dodoble ang kita at pera ng biktimang kanilang kausap. Magpapakita pa ito ng “show money” para lalong maglaway ang kanilang kausap.
Hanggang sa huli, malalaman na lang ng biktima na ang “show money” na iniwan sa kaniya ng sindikato ay mga “budol” o puro papel at diyaryo at hindi totoong pera. Ang aral, iwasang maghangad ng mabilisan at ma-l akihang kita. Sa salitang kalye, ‘wag maging gahaman. At ang huli, ang palasak ng kasabi-hang , “don’t talk to strangers”….