KASO ito ng PRCI, isang horse racing club at ang banko nito na BA. Ang PRCI ay may checking account sa BA. Ang awtorisadong pumirma sa mga tseke ng PRCI ay ang presidente nitong si Ana at ang bise-presidente na namamahala sa pananalapi, si Greg. Kapag parehong pupunta sa ibang bansa sina Ana at Greg, nakagawian na ang pagpirma nila ng mga blankong tseke upang hindi maabala ang maayos na operasyon ng PRCI.
Sa pangalawang linggo ng Disyembre 1988, parehong pupunta ng ibang bansa sina Ana at Greg. Tulad ng dati, pumirma sila ng mga blankong tseke at ipinagkatiwala sa accountant ng PRCI. Binilinan nilang mabuti ang accountant, kaya lang, dahil sa kakulangan ng pag-iingat, dalawa sa tseke ang nawala/nanakaw. Noong Disyembre 16, 1988, isang hindi kilalang tao (“john doe”) ang pumunta sa BA at ipina-encash ang dalawang tseke na parehong nagkakahalaga ng P110,000.00. Huli na nang malaman na isa pala itong clerk ng accounting department.
Sa tseke, nakasulat sa ispasyo para sa dapat bayaran o “payee” ang halagang P110,000. Sa ibabaw ng nasabing halaga ay sinulat naman ang salitang “cash”. Sa ispasyo naman na dapat bayaran, nakamakinilya ang halagang isandaan at sampung libong piso. Kahit halu-halo ang nakasulat at nakamakinilyang nilalaman ng tseke, tinanggap pa rin ito ng banko at binigay ang halagang P220,000.00.
Nang malaman ng PRCI ang nangyari, idinemanda nito ang BA. Binabawi nito ang P220,000, humihingi ng danyos pati bayad sa abogado.
Depensa ng BA, ginagawa lang nito ang obligasyon sa batas at sa kontrata nang payagan nito na ma-encash ang mga tseke. Tunay daw ang mga pirma sa tseke at dapat lamang na bayaran ang halagang nakasulat. Hindi raw puwedeng pakialaman ng banko ang laman ng tseke maliban kung may binura sa petsa, may pagkakaiba sa halagang babayaran at sa kung anong klaseng pera ang ibabayad, sa dami ng taong sangkot sa tseke o kahit anumang materyal na pagbabago sa kompanya. Wala na raw pakialam ang BA sa iba-ibang laman ng tseke at kung tutuusin, kapabayaan ng accountant ng PRCI ang dahilan ng problema. Tama ba ang BA?
MALI. Ang mga banko ay nasa isang negosyo na sangkot ang interes ng publiko. Tungkulin nilang pangalagaan ang pera (account) ng kanilang kliyente. Ang pag-iingat na hinihingi sa kanila ay tulad ng sa isang mabuting ama ng pamilya.
Sa kasong ito, dapat na sinigurado muna ng BA kung talagang galing nga sa PRCI ang mga tseke. Kahit sabihin na walang bura sa tseke, ang patung-patong na pagkakasulat at ang paghahalo ng sulat-kamay at ng makinilyadong halaga ay sapat na upang mahalata ng BA na may mali sa mga tseke. Isang simpleng tawag lang naman sa PRCI at maliliwanagan na ang lahat. Tama ang bangko na may kasalanan din ang PRCI at ang accountant na nakawala ng mga tseke, ngunit may kasalanan pa rin ang BA dahil hindi ito nag-ingat sa pagbabayad ng nasabing mga tseke.
May kasalanan din ang PRCI dahil sa nakaugalian nga nina Ana at Greg ang pagpirma lang ng mga blankong tseke. Dapat naisip nila ang mangyayari sa ganitong sitwasyon na mapunta sa kung sino ang mga tseke tulad nga sa kasong ito kung saan ang mga tseke ay ninakaw ng clerk sa accounting department.
Pareho man silang may kasalanan, mas mabigat pa rin ang sisi sa BA. Sa pagitan ng dalawa, ito ang may huling pagkakataon o “last clear chance” upang maiwasan ang nangyaring pagkawala ng pera. Kung tinawagan lang nito ang PRCI at kinumpirma kung talagang galing sa PRCI ang mga tseke at kung dapat bang bayaran ng banko, naalerto sana ang PRCI at baka nahuli pa ang nagnakaw sa tseke. Nararapat lamang na pagdusahan ng dalawa ang kani-kaniyang kapabayaan at pagkukulang. Dapat na bayaran ng BA ang 60% ng halagang nawala pati legal na interes. Sagutin naman ng PRCI ang natitirang 40%.( Bank of America NT & SA vs. Philippine Racing Club, G.R. 150228, July 30, 2009).