KASO ito ni Basilio. Tahimik siyang nakaposesyon sa lupang kanyang hinahawakan magmula pa noong 1940. Nagpatitulo ang kapitbahay niyang si Torio sa lupa nito (lot 450) na may sukat na 4,960 metro kuwadrado. Nagsukat ang agramensor (cadastral land surveyor) noong Oktubre 1, 1965. Nagkaroon ng Free Patent at pagkatapos ay orihinal na titulo na naipangalan na sa mga naulila ni Torio. Narehistro ito sa Register of Deeds noong Agosto 29, 1974.
Noong 1991, nang pinagpapartehan na ng mga tagapagmana ni Torio ang lupa, saka pa lamang nadiskubre na naisama sa titulo ang 790 metro kuwadradong bahagi ng lupa na hawak ni Basilio noon pang 1940. Nang tangkain ng mga tagapagmana na kunin ang lupa, napilitang magsampa ng protesta sa DENR si Basilio noong Disyembre 26, 1991. Inireklamo niya ang pagkakasama ng 790 metro kuwadradong bahagi ng lupa niya sa lupang napatituluhan ni Torio.
Pagkaraan ng imbestigasyon, nag-ulat ang imbestigador at agramensor ng DENR na talagang kay Basilio ang 790 metro kuwadradong lupa na pinagtatalunan. Ang patunay dito ayon sa sketch plan ay ang 57 taong gulang na mga punong niyog na itinanim na magkakahilera sa pagitan ng dalawang lupa. Animo isang mahabang linya ito na iginuhit at nagsisilbing boundary sa lupa. Aminado rin ang magkabilang panig ukol sa mga puno.
Sa kabila ng rekomendasyon ng DENR, hindi nakagawa ng kaukulang aksyon ang Director of Lands kaya’t si Basilio na mismo ang nagsampa ng reklamo noong Oktubre 9, 1998 upang ipawalang-bisa ang titulo ni Torio, paalisin ang mga naulila niya sa lupa at humingi ng kaukulang danyos. Ayon naman sa mga naulila ni Torio, paso na ang kaso ni Basilio. Ang titulo daw ay 1968 pa inilabas at 1974 naman narehistro sa Register of Deeds. Huli na daw ang pagsasampa ng kaso ni Basilio laban sa kanila dahil sa dami ng taon na nagdaan. Tama ba sila?
MALI. Ang hinihingi ni Basilio ay ang pagbabalik (re-conveyance) sa kanya ng 790 metro kuwadradong lupa sa pamamagitan ng pagtatama sa nilalaman ng titulo. Ang ganitong mga kaso ay hindi kumukuwestiyon ang legalidad ng titulo. Ang hinihingi lamang sa kaso ay ang pagsasauli sa bahagi ng lupa na sa pagkakamali ay naisama o nairehistro sa pangalan ng iba imbes na sa taong may higit na karapatan dito.
Ang palugit na ibinibigay ng batas sa ganitong mga kaso ay sampung taon mula sa petsa kung kailan nilabas ang titulo ng lupa. Ngunit hindi ginagamit ang 10 taong palugit kung ang taong naghahabol sa lupa ang nakaposesyon. Sa mga taong nakapwesto sa lupa hindi lumilipas ang karapatang magsampa ng kaso ang nakapuwesto sa lupa.
Sa kaso ni Basilio, nakaposesyon siya sa pinag-uusapang bahagi ng lupa mula pa noong 1940. Siya at ang kanyang mga anak ay hindi maaaring pigilan sa paghahabol sa lupa laban sa mga naulila ni Torio na nagkaroon lang ng karapatan dahil sa isang pagkakamali sa Titulo.
Ang kaso ng reconveyance ay nararapat lamang upang tapusin ang anomalyang nangyari kung saan nabigyan ng titulo ng lupa ang isang wala naman talagang karapatan at hindi naghirap na angkinin ito. Hindi maaaring magkaroon ng lupa ang isang tao dahil lang sa isang pagkakamali. Ang batas natin pati ang umiiral na Torrens system ay ginawa upang pahalagahan ang integridad ng mga titulo ng lupa. Hindi ito ginawa upang dayain at agawan ng lupa sa talagang dapat na nagmamay-ari nito (Heirs of Waga et al. vs. Sacabin, G.R. 159131, July 27, 2009).