EDITORYAL - Mabagal na naman ang serbisyo ng LTO

BUMABALIK sa dating gawi ang Land Trans­portation Office (LTO). Kung ang pagkuha ng lisensiya ay inaabot lamang ng 30 minutes ngayon ay tumatagal na ng maghapon. At maaaring bu­malik sa matindi pang kabagalan kapag hindi inalis ng LTO ang kanilang tsetseburetseng requirements para makakuha ng lisensiya o student permit na kung tutuusin ay hindi naman lubhang kailangan. Bukod sa mabagal na pagproseso, nadagdagan din ang bayarin ng mga kumukuha ng lisensiya.

Maraming nagrereklamo na ang mga nag-aaplay ng lisensiya o student permit ay kailangang mag-submit ng taxpayer’s identification number (TIN). Kapag ang mag-aaplay ay isang estudyante o hindi pa nagtatrabaho, kailangang humingi ng certification sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Kapag walang TIN, hindi makakukuha ng lisensiya o makapagre-renew. Kaya kailangang bago pumunta sa LTO, kumuha muna ng TIN sa BIR. At ibig sabihin nito na dagdag na araw na naman ang gugugulin sa pagkuha pa lamang ng TIN.

Kaya huwag nang magtaka kung makita ang mahabang pila sa mga tanggapan ng LTO. Ito ay dahil bumabalik na sa dating gawi ang LTO na ubod nang bagal ng serbisyo. Kung nagkakaganito na nga ang kalakaran sa LTO, sayang ang sinimulan ni Anneli Lontoc. Si Lontoc ang nagwalis sa red tape sa LTO at nag-umpisa nang mabilis na proseso ng pagkuha ng lisensiya. At dahil maganda ang pinakita ni Lontoc sa LTO, inalis siya roon at inilipat sa ibang tanggapan. Ganyan ang pabuya sa mga taong tapat at mahusay na naglilingkod.

Ang nangyayari sa LTO ay magandang halim­ bawa kaya naman hindi makausad ang ekonomiya ng bansa at napag-iiwanan ng mga katabing bansa. Ang korapsiyon at kawalan ng sistema sa mga tanggapan ang naghahatid ng takot sa foreign investors kaya ayaw nilang maglagak dito. Sa Global Competitiveness Report 2009-2010, nasa ika-87 ang Pilipinas. Mabagal ang usad ng ekonomiya. Noong nakaraang taon, nasa ika-76 na puwesto. Maski sa World Bank report, nasa ika-140 ang Pilipinas sa ranking ng performance ng ekonomiya. Malayung-malayo ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga katabing bansa sa Asia.

Halimbawa lamang ang LTO na ngayon ay balik na naman sa masamang gawi. Paano uunlad ang bansang ito?

Show comments