GOOD vs. evil – simple ang paglarawan ni Sen. Noynoy Aquino sa napipintong laban sa pagka-presidente sa 2010. Sa pamamagitan ng pagbigkas ni Sen. Noynoy ng dalawang magkabaliktad na salitang ito, inako na niya ang papel na bida. At ang kontrabida? Ang administrasyon.
Hindi mahirap tanggaping bida si Sen. Noynoy. Lahi nga naman ng dalawa sa pinakamamahal nating bayani. Mabait at masunuring anak. Kongresista at senador na may disenteng rekord. Lutang na lutang ang kanyang mga katangian lalo na kung ihahambing sa kabulastugan ng nakapuwesto. Na siya ring dahilan kung bakit katanggap-tanggap ang papel ng huli bilang kontrabida sa labanang good vs. evil. Sa lalim at tindi ng pagkamuhi ng taong bayan (bagay na kinumpirma ng lahat ng survey), kahit sino pang itapat kay Gng. Arroyo ay lalabas na mabango.
Subalit kung hindi naman mangangahas si Gng. Arroyo na dugtungan pa ang termino, ang baho ba ay kakapit sa kung sino man ang kandidato ng administrasyon? Iyan ang tanong na kailangan harapin ni Defense Secretary Gibo Teodoro. Kung tutuusin, naka-jackpot kay Gibo ang pamahalaan dahil isa ito sa iilang miyembro ng Gabinete na tinuturing ng bansa (kasama na rin ng oposisyon) na may integridad at may performance. Sa kanyang pamunuan, nagbalik ang morale ng AFP, lalo na ng junior officers, sa kanilang civilian leadership. Magugunitang na-single out si Gibo na natatanging Kalihim na malinis (kasama ni DSWD Sec. Esperanza Cabral) ayon kay dating Senador Vicente Paterno, Chairman ng Bishops-Businessmen Conference. At mismong ang Palasyo ay kumilala sa karangalan ni Gibo nang hirangin itong miyembro ng Committee of Peers, ang lupon ng mga kalihim na hahatol sa mga paratang laban sa kanilang mga kasamahan.
Binalaan ni Prof. Randy David ang kampo ni Sen. Noynoy na huwag sanang maging kampante sa paglarawan ng laban sa ganitong paraan. Baka malimutan ang ugat na problema dahil sa kaka-focus sa karakter at personalidad. At ngayong napili na si Gibo, hindi na rin talaga bebenta ang good vs. evil. Ang higit na angkop ngayon ay ang titulong “good vs. good”.