IPINAKITA ng Ombudsman ang tunay niyang kulay bilang tagapag-ingat ng Statements of Assets and Liabilities ng mga taong-gobyerno. Kakampi pala siya ng mga kawatan. Aba’y matapos maiulat ang SALs nina Pangulong Gloria Arroyo at anak na Rep. Mikey Arroyo, hinigpitan ng Ombudsman ang pagsasa-publiko ng mga dokumento. Padadaanin na sa butas ng karayom ang mga mamamahayag na naglalantad ng mga katiwalian.
Gayunpaman, bistado na ang pagbubulaan ni Mikey sa 2008 SAL niya. Hindi niya dineklara ang $1.3-milyon (P67-milyong) bahay sa California. Kesyo raw pag-aari kasi ito ng Beach Way Park LLC, na inamin niya sa SAL pero hindi rehistrado sa America o Pilipinas. Paglabag ito sa Code of Conduct & Ethical Standards for Public Officials and Employees, na umuutos sa lahat ng taong-gobyerno na mag-file ng kumpletong SAL taon-taon. At dahil sinumpaan ni Mikey ang depektibong 2008 SAL, nagbulaan siya at dapat ihabla ng perjury.
Ang isda nahuhuli sa bunganga. Naipit nang naipit si Mikey nang magpalusot ng kung ano-ano sa panayam nina Winnie Monsod at Arnold Clavio sa Unang Hirit tungkol sa itinagong bahay. Kaya raw lumobo ang net worth niya mula P5 milyon nu’ng 2001 hanggang P100 milyon nu’ng 2008 ay dahil sa campaign donations. Pero batay sa mga sinumite niyang papeles sa Comelec, tig-kalahating milyong piso ang tinanggap at ginasta niyang kontribusyon nu’ng halalang 2004 at 2007. Kung hindi pala niya inamin lahat, paglabag ito sa Omnibus Election Code. At dahil sinumpaan niya muli ang kabulaanan, perjury na naman.
Kesyo raw maraming nagregalo ng mahahalagang items nang ikasal siya nu’ng 2002, habang vice governor ng Pampanga. Bawal na naman ito. Kahit anumang okasyon, hindi dapat bigyan o tumanggap ang taong-gobyerno ng regalong mahigit P5,000 ang halaga. At kung tinanggap niya ang mga regalong halagang milyun-milyong piso, dapat ay nagbayad siya ng income taxes para rito. Talagang dapat ikulong.