NGAYON na lamang kumikilos ang Land Transportation Office (LTO) para maputulan ng sungay ang mga sutil na bus drivers na sangkot sa mga malalagim na aksidente. Isa sa mga ginagawa nila ay ang pagbibigay ng exam sa mga driver. Karamihan daw kasi sa mga driver ay walang ganap na kaalaman sa pagmamaneho.
At natuklasan, sa isinagawang exam ng Land Transportation Office (LTO) sa 82 bus drivers noong Biyernes, 34 ang bumagsak. Ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng exam ang LTO sa bus drivers at sabi, ang isusunod na isasalang sa exam ay mga jeepney at taxi drivers.
Ang pagsasailalim sa exam ng bus drivers ay kaugnay ng mga sunud-sunod na aksidenteng kinasangkutan ng mga bus particular ang Jell Transit na bumibiyahe sa EDSA. Napakarami nang aksidente ang kinasangkutan ng nasabing bus na ang pinakahuli ay nang masagasaan ang mag-ina habang naghihintay sa tapat ng Camp Crame. Namatay ang bata habang ang ina ay naputulan ng braso. Sinuspinde ng LTFRB ang prankisa ng Jell pero ayon sa report, bumibiyahe na rin daw ang mga bus. Kung totoo ito, nasaan ang sinasabi ng LTO at LTFRB na maghihigpit na sila?
Maraming driver ang kulang sa kaalaman sa pagmamaneho at ito ang itinuturing na dahilan kung bakit maraming aksidenteng nagaganap. Bakit naman nakakuha ng lisensiya ang driver kung wala pala silang ganap na kaalaman? Ito ang dapat sagutin ng LTO. Nakikita ang korupsiyon sa puntong ito. Maraming driver ang hindi talaga dumaan sa actual na drive testing nang kumukuha ng lisensiya. Natapalan na ng pera ang mga tiwali sa LTO. Maraming fixer sa LTO na gumagawa ng paraan para makakuha ng lisensiya kahit ang mga bopol na hindi alam ang mga traffic signs at kung anu-ano pang dapat sundin ng driver.
Ngayon na lamang kumikilos ang LTO para mapigilan ang dumaraming bilang ng aksidente. Huli man, puwede na rin. Idagdag sa pagkilos ang pagsugpo sa katiwalian sa kanilang bakuran.